Advertisers
Matapos mag-viral kelan lamang ang video ng dalawang US-TSA screening officers na nagnanakaw ng mga gamit at pera sa mga bag na nasa tray habang nakapila ang mga ito sa x-ray machine, isa na namang insidente ng diumano ay pagnanakaw ang naganap sa NAIA Terminal 1, kung saan sangkot na naman diumano ang Office for Transportation Security (OTS).
Ayon sa press release ng OTS na inilabas kahapon lamang, kumpirmado ang naturang insidente na nagsimulang kumalat sa mga media group chats noon pang isang linggo.
Ang nasabing press release ay lumabas matapos na isang miyembro ng Airport Press Club (APC) ang tumawag sa OTS public information office upang kumpirmahin kung totoo ang nasabing impormasyon. Sa nasabing release ay wala ang mga pinakamahahalagang detalye na kinabibilangan ng kelan, saan at paano naganap ang insidente ng diumano ay pagnanakaw.
Lumitaw sa sketchy information na naganap ang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noon pang September 8, 2023.
Isang banyagang pasahero na paalis ng bansa ang diumano ay nagreklamo na nawalan siya ng $US300 na cash.
Diumano, ang pagkuha ng cash ay isinagawa ng isang babaeng OTS screening officers habang nadaan ang pasahero sa final security check.
Matatandaan na noong February 22 lamang ay limang personnel ng OTS na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang sinuspinde matapos lumutang ang dalawang video kung saan ang transiting Thai tourist na kinilalang si Kitja Thabthim ay nawalan ng 40,000 yen.
Ilang araw makalipas nito, isa pang screening officer ang nahuli din sa video matapos kunin ang relo ng isang Chinese passenger.
Nagreklamo ang pasaherong si Sun Yuhong na nawala ang kanyang relo matapos dumaan sa screenin ni Valeriano Ricaplaza Jr., 3 na dinakip ng Philippine National Police Aviation Security Group kalaunan. (JERRY S. TAN)