Advertisers
Naisumite na para sa resolusyon sa Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang reklamo laban sa ilang pulis kaugnay ng road rage incident sa pagitan ng dating pulis at siklista.
Kinumpirma ito ng complainant at abogadong si Raymond Fortun.
“Submitted na for decision,” mensahe ni Fortun.
Aniya, posibleng maghain ng optional position paper sa Lunes.
Matatandaang nagsama ng reklamong oppression, irregularities in the performance of duties, at incompetence si Fortun laban kina Police Staff Sergeant Darwin Peralta, PSSG Joel Aviso, at Police Executive Master Sergeant Armando Carr, na kapwa mula sa QCPD Traffic Sector 4 sa Kamuning.
Inilahad ni Fortun na naghain siya ng panibagong reklamo ng oppression, irregularities in the performance of duties, at incompetence laban kina first responders Aldrin Radan at Anmar Mandi, traffic responder Mark Anthony Rasay, at Colonel Jake Barila at Jonas Jorta mula sa Galas Police Station.
Aniya, isinumite ng respondents ang kanilang counter-affidavits noong nakaraang linggo.
Nag-ugat ang reklamo sa insidente noong August 8 kung saan tinutukan ng baril ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales ang isang siklista. Nag-viral ang video ng nasabing engkwentro.
Sinabi ng Quezon City government na inisyal na dinala ang dalawang partido sa QCPD Kamuning Police Station 11 dahil tinukoy ito bilang simpleng traffic incident ng first responders ng QCPD Galas Police Station.
Subalit, walang reklamong inihain sa Kamuning, at sa halip ay ini-refer sila sa Galas Police Station sa parehong araw.
Magugunita na noong Agosto, nagbitiw sa pwesto si dating QCPD chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, na sinita sa pagsasagawa ng press conference kasama si Gonzales, upang bigyang-daan ang imbestigasyon.