Advertisers

Advertisers

PBGen. Mariano tahimik kay kolek-tong Charlie, lotteng queen Joy at Onie Ninong!

0 1,347

Advertisers

HABANG aburido-parang pusa na naputulan ng buntot, maiihi at maiibak ang salot na “kapustahan” (police tong collector) na si CHARLIE dahil sa pagbubunyag ng SIKRETA sa kanyang protection racket, gamit ang pangalan ng walang kamalay-malay na mga heneral tulad nina PNP Chief PDGen. Benjamin Acorda Jr., National Capital Region Chief (NCRPO) Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Southern Police District Dir. PBGen. Roderick Mariano ay galit na galit ang naturang tong kolektor  na pinagbantaang ipapapatay ang inyong lingkod.

Kaduda-duda namang patuloy ang pananahimik ni PBGen. Mariano sa lantarang lotteng operation ni JOY sa Paranaque City at ONIE NINONG sa Las Pinas City bagamat kapwa “nasa tungki lamang ng mga ilong” nina Col. Reycon Garduque, hepe ng pulisya ng Paranaque City at Las Pinas City Police Chief Col. Jaime Santos.

Ayon sa informant ng SIKRETA front din ng malawakang bentahan ng shabu ang pa-lotteng ng “Lotteng Queen” na si JOY at ONIE NINONG at mismong mga kubrador pa ng mga ito ang ginagamit na drug pusher sa malaganap na drug trade sa mga naturang siyudad.



Hindi nakapagtataka, ayon pa sa ating KASIKRETA na lumalala ang problema sa drug addiction sa dalawang lungsod na ito ng Southern Metro Manila dahil pati drug business ay pinasok na nina JOY at ONIE NINONG, kaya hindi na dapat palagpasin ito ni NCRPO Head PBGen. Nartatez Jr.

Ang lungsod ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez ay walang dudang isa sa pinaka-maunlad na siyudad, di lamang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa dahil dito nakabase ang mga malalaking negosyo, entertainment venue at ng mga sikat na casino.

Pero dahil sa labag sa batas na lotteng sa buong Paranaque City ni JOY na sinamahan pa ng drug activity ay nanganganib ang peace and order sa naturang lungsod dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat, lalo na  sa kapulisan na ang droga ang numero unong dahilan kung bakit nasisira ang maayos na pundasyon ng pamilya, komunidad  at pati na ang ekonomiya.

Kung bakit lantarang nakapag-ooperate ang gambling/droga sa Paranaque City ay malalim na palaisipang dapat silipin ni Mayor Olivarez. Walang gambling operation kung ginagawa ng police chief ang kanilang trabaho. Magsiyasat sana ang butihing mayor ng Paranaque City sa kanyang top cop tungkol sa lotteng con shabu ni JOY sa kanilang hurisdiksyon.

Inihayag naman ni Col. Santos sa kanyang kalatas sa SIKRETA na may 15 na sa tauhan o kubrador ni ONIE NINONG ang kanilang naaresto sa isinasagawang anti-gambling operation sa kanilang hurisdiksyon kaalinsabay ng pagtiyak nitong hindi nila kukunsintehing mamayani ang operasyon ni ONIE NINONG sa lungsod ni Las Pinas Mayor Imelda Aguilar.



Isang maginoong police official si Col. Santos pagkat hindi nito pinagtakpan o pinabulaanan ang katotohanan ng ating ibinulgar na lotteng operation ni ONIE NINONG at bagkus tiniyak nitong sisikaping tuluyang sawatain ang operasyon ng naturang drug/gambling lord.

Sina Col. Garduque at Col. Santos bilang mga hepe ay hindi maiiwasang isisi sa kanila ang di matigil-tigil na illegal operation nina JOY at ONIE NINONG.

Hindi lamang sina Col. Garduque at Col. Santos ang bagsakan ng sisi kundi mas matindi paninisi ng mga mamayan kay SPD Director BGen. Mariano dahil bilang pinaka-mataas na police official sa distritong ito ng Matro Manila, nasa kanya ang ikalulutas ng mga nangyayaring kababalaghan sa kanyang area of responsibility (AOR)-siya ang susi para mahinto ang lotteng con shabu nina JOY sa Paranaque City at ONIE NINONG sa Las Pinas City.

Hindi na kailangan pa ang mga police operation o raid sa mga sugalan, rebisahan ng taya sa lotteng nina JOY at ONIE NINONG at sa patuloy na pangingikil ng nagpapakilalang bagman na si CHARLIE sa  mga tanggapan ng SPD, mga opisina ng  NCRPO at PNP Chief. Isang verbal o kaya ay written directive lang na may babalang tanggalin ang chief of police na hindi susunod sa utos ng PNP Chief, Regional o  District director ay sapat na para magkandarapa ang mga hepe ng Paranaque City at Las Pinas City para utusan naman ang kanilang inteliigence head na puwersahing patigilin sa kanilang operasyon sina JOY at ONIE NINONG.

Higit sa lahat ay ipaaresto, kasuhan at ipakulong si CHARLIE na nagni-name drop ng pangalan nina PDGen. Acorda Jr., PBGen Nartatez Jr. at PBGen. Mariano dahilan sa pangongotong nito ng weekly intelhencia sa mga iligalistang tulad nina JOY at ONIE NINONG sa AOR ng SPD.

Sagot naman ng SIKRETA sa bantang pagpapatay sa inyong lingkod gamit ang mga operatiba kuno ng SPD at paghahamon pa ng barilan ng nagpakilalang “kapustahan”, tong kolektor na si CHARLIE. Hindi pumapatol sa mga kutong lupa at kulugong katulad lamang niya ang SIKRETA.

Alam natin na armado ito (CHARLIE) ng di lisensyadong baril habang nangongolekta ng protection money sa limang siyudad na sakop ng SPD. Ang masasabi natin- pang-ulam na ng inyong lingkod sa almusal, tanghalian at hapunan at meryenda ang mga death threats ng katulad ng salot ng lipunan na si CHARLIE, ngunit nagkamali siya ng tinakot, MR. KOTONG-MAN!

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144