Advertisers
NAPAKALAKI na namang kahihiyan sa bansa ang ginawa ng babaeng personnel ng Office of Transportation Security (OTS) na nahagip ng CCTV camera na nilulon ang $300 na ninakaw niya sa shoulder bag ng isang pasahero matapos dumaan sa X-ray machine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na nangyari Septembre 8 ng taon.
Sa mga isinapublikong video footage, kitang kita na kasabwat ng babaeng OTS personnel ang isa pa niyang kasamahan at supervisor.
Ang pagkakamali kasi ng mandurukot na OTS personnel, sa kanyang pagtalikod sa nagrereklamong pasahero, ay napaharap naman siya sa CCTV. Hehehe… Kaya malinaw pa sa sikat ng araw ang kuha ng video kung paano niya nilukot at nilulon ang $300, na ang ginawang panulak ay bottled water na iniabot naman sa kanya ng kasamahan at ang nagdidikta ay ang kanyang babaeng supervisor.
Sa kuha ng mga CCTV, walang lusot ang mandurukot na OTS personnel, kanyang kasamahan at supervisor. Mga batik sila sa NAIA! Maximum penalty ang aabutin nila!
Pangatlong beses na ito ngayong taon na nahagip ng CCTV ang mga ginagawang kawalanghiyaan ng mga trabahador sa NAIA.
Ilang buwan ang nakakalipas, isang airport security personnel ang nahuling nagnakaw ng pera mula sa Thai tourist. Nang sumunod na limang araw, isa namang NAIA screening officer ang tumira sa relo ng isang Chinese passenger. Animal!
Naisip ko tuloy na ang mga ‘tanim bala’ noong patapos na ang termino ni late President Noynoy Aquino ay gawa nitong mga tulisan na airport personnel na gustong kumita sa kapahamakan ng iba, at ipahiya narin si PNoy noon.
Makabubuti siguro na palitan nang lahat ang OTS personnel pati security lalo yung mga may sungay na dyan sa NAIA. At dagdagan ang CCTV cameras para walang lusot kahit magpatuwad-tuwad ang mga tulisang trabahador. Mismo!
***
Gumagawa na raw ng lineup si ex-President ngayo’y Lubao, Pampanga Representatve Gloria M. Arroyo para sa 2025 midterm election.
Isinama raw nila sa lineup si ex-Senator Sotto at hinikayat si ex-President Rody Duterte na maging aktibo uli sa politika.
Ang pinaghahandaan raw talaga ni GMA ay ang 2028 Presidential race, kungsaan ang pambato nila ay ang “matakaw” sa confidential funds na si VP Sara Duterte-Carpio.
Subaybayan!