Advertisers
MATAAS ang inaasahan ng nagtalaga sa opisyal na napili sa ano mang larangan higit sa serbisyo publiko. Pribilehiyo ang mapili sa serbisyo publiko ngunit inaasahan na magiging modelo sa bayan higit sa kabataan na kinabukasan ng bayan. Sa dami ng ibig manungkulan sa serbisyong bayan, ang pagkakapili’y tunay na karangalan na dapat pahalagahan. Sa pagkakatalaga, hindi usapin ang kagalingan dahil batid ng nagtatalaga ang karanasan at kahusayan sa napiling uupo sa pwestong ipatatanganan. Nariyan ang maraming panayam, pag-aaral sa itatalaga sa pwestong mahalaga sa bayan. At sa pag-uusap o panayam napasailalim ang pagkaalam sa kakayanan ng iuupo, nababatid o nasusukat ang kakayahan na nasa mabuting kamay ang kagawarang pamumunuan.
Sa paraan ng pag-alam sa kakayahan ng mga itatalaga, tila nagkamalisi Boy Pektus nang italaga sa kagawaran ang nakatuwang sa halalan, si Inday Sapak. Umasa sa kutob na magaling ang itatalaga kahit sa maikling panahon ng pagsasama. Dahil nakasama sa gawaing naglagay sa pwestong maglilinis ng ngalan, ang balik na utang na loob ang basehan ng italaga sa pwestong maselan higit sa paghubog sa katauhan ng bata’t kabataan. At dahil sa utang na loob, tila ‘di dumaan sa tamang proseso sa pagpili at kagyat na itinalaga sa kagawaran ang bobang opisyal na senyales ng buong pagtitiwala ng nagtalaga. Dahil buo ang pagtitiwala, hindi dumaan sa proseso si Inday Sapak at sapat na ang pagkakahalal bilang Bise. At hindi sumalang si Inday Sapak sa pagkilatis ng Commission on Appointment, na prosesong dinadaanan ng mga papasok na mga kalihim na itinalaga ng pangulo. Sa ngalan ng pagkakahalal sa pangalawa sa mataas na opisyal ng bansa, ibinigay ng CA ang kagandahang loob sa naitalagang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.
Subalit, hindi pa nag-iinit ang puwet ng Kalihim ng DepED sa pagkakatalaga, palihim na humingi ang kalihim ng pondo sa opisina ng pangulo upang magamit sa paniniktik sa kalaban ng pamahalaan kuno. Dahil gamit ang pondo ng pinalitang dating kalihim hindi nahungkat ang usapin ng paghingi ng salapi sa pagdinig ng unang budget ng pamahalaan sa taong 2023. Sa halip tumutok ang usapin sa kagawaran sa walang silbing mga computer na ‘di malaman kung nagamit sa intensyong ibig. Sa paghahanda sa pagpasok ng budget para 2024, hayun nabunyag ang lihim na paghingi ni Inday Sapak ng pondo sa opisina ni Boy Pektus. Nabatid na mas mabilis sa jet plane ang paggamit ng pondo na ginastos sa loob ng labing siyam na araw ang halagang P125M. Natulala si Mang Juan na habang ‘di batid saan kukuha ng pambili ng bigas heto si Inday Sapak nagdidildil sa salapi.
Isang palamuti ang usapin sa paghingi ng salapi sa opisina ni Boy Pektus, dahil inilapit at humingi si Inday Sapak sa mga Kongreso ng pondo na ibig para sa mga opisinang tangan, P700B+ sa DepEd at P2.3B sa OVP. Sa inilapat na budget ni Inday Sapak sa mga Tonggresista, nariyan na may ibig magtanong kung saan at ano ang paggagamitan ng pondong hinihiling, ngunit pumailanlang ang nakararami sa pangunguna ng anak Ti’ Batac na nagbigay kagandahan loob kay Inday Sapak at pinutol ang sana’y pagtatanong. Nagpatuloy ang bwenas ni Inday Sapak ng lumipat sa kabilang kapulungan. May mga nagtanong na senador ngunit pansin ang pagiging hilaw ng mga tanong na tila may script na sinusunod. Sa pagtatanong ng mga senador, handang handa si Inday Sapak na ipasa ang mga tanong sa sandamukal na balalay (USEC, ASEC at iba pa) na siyang sumasagot sa mga katanungan.
At sa isang pagkakataon, tila naubos ang oras ng kapalaran ni Inday Sapak ng dumating ang oras ng isang Senador(a) at hiniling sa kalihim / BP na siya ang sumagot sa tanong na ibinabato sa ngalan ng kaalaman sa inilalatag na mungkahing pondo sa mga tangan na opisina. Sa kasamaang palad, nabatid ‘di lang ng senado maging ng taong bayan ang kawalang alam ni Inday Sapak sa kung paano at saan gagamitin ang budget na hinihingi. Kinakapa ang mga sagot na tila pinapawisan ang bobang kalihim sa ibinabatong tanong ng senador. At isang patunay ng kawalang alam ng kalihim / BP, at nakita ni Mang Juan na ito’y umaasa sa mga tauhan sa pagpapatakbo ng opisinang tangan. Dahil hindi nasiyahan sa mga sagot ng panauhin at kakapusan sa oras ang senadora, minarapat na ipagpaliban ang pagtatanong sa plenaryo ng mga mambabatas. Sa pagdinig lumitaw ang karakas ni Inday Sapak na tunay na kasapi ito ng Inferior Dabaw Group na alang alam sa ano mang larangan, sa isip, sa salita at sa gawa.
Hindi natapos ang usapin ni Inday Sapak sa pagdinig ng kaperahan ng DepED / OBP, humarap ito sa pulong balitaan at pinatutsadahan ang mga mambabatas na bumato ng mga tanong. Sa pulong balitaan, walang paglilinaw sinabi at binato ang mga mambabatas ng paratang na paggagamitan ng mga pondong hinihingi higit ng CIF. Nariyan na sinasabi na nawala ang respeto sa mambabatas sa mataas na kapulungan na gumisa at nagtanong ng ‘di kagiliw-giliw. Sa pulong balitaan, bumawi si Inday Sapak sa mga mambabatas at gagawin o gagamitin ang CIF upang hubaran ang layon ng mga kritikong terorista kuno. Samantala, tila anghel ang tingin sa mga mambabatas na halos lubog sa putik ang pagkatao sa pagkampi sa bobang kalihim, ano masasabi ni Sister Stella?
Sa ikinilos ni Inday Sapak, hindi kinakitaan ng kababaang loob na maaaring paghugutan ng magandang halimbawa ng bata’t kabataan. Ang pag-iwas sa mga katanungan at pagtuturo sa mga sumasagot sa tanong ng mambabatas ay tila apoy na tinutularan ng kabataan na tumutupok sa kaisipan. May biruan na sasagutin ang lahat ng tanong ng katabing kamag-aral. Nariyan na nawala ang respeto sa kamag-aral dahil sa pang-uusisa sa mga bagay bagay. At ang ano man ang ibig, kailangan makamit sa kahit anong paraan. Kawawa ka Mang Juan at kailangang maghanap ng mauutangan sa kapritso ng anak na nakita sa kalihim ng kagawaran. Sa totoo lang, hindi magandang halimbawa ang kinikilos ng kalihim na tinutularan ng mga bata’t kabataan.
Ang kawalan ng alam, kababaang loob at mapagmataas ang trend sa kasalukuyan sa kabataan na nakita kay Inday Sapak. Walang bangit na tuluran ngunit ang kilos ng kalihim ang malakas na mensahe upang tularan ng bata’t kabataan. Ang pangit na halimbawa higit ng pag-uugali at kabobohan ang asignatura ng Inferior Dabaw Group, Inday Sapak No More.
Maraming Salamat po!!!