Advertisers
LUMALALIM ang usapin tungkol sa iligal na pasugal sa Region 4-A CALABARZON at kung hindi papagitna ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay mananatiling inutil ang Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo sa lumalalang korapsyon sangkot ang mga kilalang aktibo at retiradong mga opisyales ng pulisya, militar at iba pang pinuno ng pamahalaan.
Hindi nakapagtataka na sinuman ang mapatalagang pinuno ng Pambansang Pulisya ay hindi magtatagumpay laban sa salot na illegal gambling dahil sa pakikidawit ng mga maiimpluwensya, nanunungkulang opisyales ng gobyerno at mga nagretiro nang karamihan ay police official.
Imbes maging seryoso sa tungkulin ang PNP Chief, mga regional, provincial at district directors, isama na ang mga hepe ng mga bayan at siyudad, ay iisa ang kanilang mga galaw at nakiki-indak sa nauusong “sayaw” kaysa sila’y matanggal sa puwesto at mapatapon, matalaga sa mahirap at delikadong assignment at pinakamasaklap sa battle-prone region.
Nasa R4-A ang karamihan sa mga iligal tulad ng illegal gambling, paihi at kung ano-ano pang uri ng kailigalan bukod pa sa pagiging kuta ito ng mga kriminal gaya ng gun-for-hire, well-organized robbery and hold-up groups at mga gambling at vice financiers. Maituturing ito na isa sa magulong lugar subalit pinag-aagawan parin ng mga nais mapa-pwestong PNP official dahil kung tawagin ito ay “juicy position”.
Kung bakit pinag-aagawan ay sapagkat milyones ang natatamasa ng isang RD at PD mula sa mga vice operator na sa tagal ng panahon, umabot na mahigit pa sa limang dekada. Ang mga “illegal activity” ng mga vice lord na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan dahil narin sa pakikisawsaw ng ilang tiwaling government officials at mga nagretirong opisyal ng pulisya.
Tulad nalang sa Batangas, mahigit isang taon na itong pinagkukutaan ng isang alyas “Gen. Abo-Sayaf” na sa kuwento sa sirkulo ng mga ilegalista sa rehiyon ay bagong hari ng iligal lalo na sa pagpapatakbo ng Small Town Lottery (STL) con-jueteng sa mga bayan ng Laurel at Malvar.
Karay-karay ni Gen. Abo-Sayaf ang pangalan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Mel Robles at isa pang top official sa Malacanang. Kasosyo ng “ex-general problem” na ito ang isang Lat at katiwaldas ang isang aktibong miyembro ng Laurel Municipal Police Office na si alyas Enca at Kap Borce. Samantalang isang Raffy naman ang tagapamahala sa bayan ng Malvar. Sa Poblacion Laurel at Brgy. Berinayan, Laurel; at sa Brgy. Luta del Sur, at Poblacion Malvar sila nagpaparerebisa ng taya sa STL bookies.
Walang magawa, nganga lang at mistulang inutil sina Laurel Police Chief, Major Edgar Sumadsad; Laurel Mayor Lyndon M. Bruce; Malvar Police Chief, Maj. Nemecio Calipio; at Mayor Crestita Reyes sa paghahari-harian ni alyas Gen Abo-Sayaf at ng mga alipores nito.
Mabilis na naikakalat ni alyas Gen Abo-Sayaf ang kanyang kamandag sa mga natitirang apat na probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon, ngunit tila walang magagawa ang magreretiro na ding R4-A PNP Director PBGen. Carlito Gaces?
Nakumpirma ng SIKRETA na nakapagtatag na din ng emperyo si alyas Gen Abo-Sayaf sa hurisdiksyon ni Malabon City Mayor Jeanie Sandoval.
Marahil sa takot dahil kilalang tulisan, tigasin, may malawak na koneksyon sa tanggapan nina PNP Chief Benjamin Acorda Jr.; at National Capital Region Police Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.; at maging sa Malacanang Palace ay di makanti, maipahuli ni Malabon Police Chief Col. Jay Baybayan ang mga lotteng kolektor ni alyas Gen Abo-Sayaf.
Dahil sa EZ 2 con-lotteng ni alyas Gen Abo-Sayaf, nagmimistulang Metro Manila Gambling Capital na ang Malabon City. Hanggang sa kasulok-sulukang lugar ng Malabon City kasama na ang police headquarter, presinto, city hall, palengke, jeep, tricycle terminal at iba pang matataong lugar ay napasok na din ng mga lotteng bet collector ni alyas Gen Abo-Sayaf.
Gimik ni alyas Gen Abo-Sayaf, kasosyo ang isang Atty. Villacupal ang paggamit ng depektibong STL franchise na nakuha sa PCSO sa tulong ng isang top official ng ahensya ngunit hindi naman nabigyan ng Malabon City Government ng permit to operate.
Tanging hawak ni alyas Gen Abo-Sayaf ay Memorandum of Agreement – hindi ang business permit sa pag-ooperate ng kanyang dapat ay legal na STL, subalit EZ2 bookies ang operasyon na ang winning combination ay kinukuha sa resulta ng EZ2 draw tuwing 2pm, 5pm at 9pm, taliwas sa pag-ooperate ng STL franchise na naaayon sa polisiya at alituntunin ng PCSO Charter.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144