Advertisers
HINDI inakala ng isang matadero na siya ang mamamatay sa halip na ang baboy niyang kinakatay nang bigla na lamang bumangon ang hayop at bumaon ang gamit niyang kutsilyo sa kanyang leeg nitong Biyernes, sa isla ng Camotes, Cebu.
Kinilala ang nasawi na si Marcelito Gontinas Lapeciros, ng Sitio Batang, Barangay Moabog, Pilar, Camotes Island, northern Cebu,
Sa report ng Pilar Police Station, 11:45 ng umaga nang maganap ang insidente.
Ayon kay Police Master Sergeant Alex Dolfo, ng Pilar Police Station, kinatay ni Lapeciros ang baboy sa pamamagitan ng paghampas ng matigas na kahoy sa ulo at tinusok pa nito ng kutsilyo ang leeg.
Sa pag-aakalang patay na ang baboy, bubuhusan na sana ito ng mainit na tubig ng biktima subali’t biglang bumangon ang hayop, dahilan para habulin ito ni Lapeciros.
Sa paghabol, sumabit sa tali ng baboy ang kutsilyo ng biktima hanggang sa napahiga ito at bumagsak sa kanyang leeg ang kutsilyo.
Sinubukan pang dalhin sa ospital ang biktima pero idineklara itong patay na.
Sinabi ng mga kaanak na matagal nang matadero ang biktima at hindi sila makapaniwalang mangyari ito kay Lapeciros.