Para maging fair kina Vice at Ion…Joey pinakakastigo ng netizens sa MTRCB sa reaksyon ukol sa ‘lubid’ na pang-suicide
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
NAGLABAS na ng statement ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaugnay sa binitawang insensitive joke ni Joey de Leon sa kanilang noontime show na E.A T.
Nag-trending kasi kamakailan sa social media ang komedyante/TV host dahil sa pagbibiro niya sa isang segment ng E.A.T. na Gimme 5, kung saan kailangang magbigay ng contestant ng limang bagay na isinasabit sa leeg.
Ang tanging naisagot lamang ng contestant ay necklace. Pero sa katapusan ng round one ay biglang nag-suggest si Joey ng isa pang bagay na pwede raw isabit sa leeg.
“Lubid, lubid, nakakalimutan ninyo,” birong hirit ni Joey.
Pero sa mga nakapanood ng naturang segment, tila hindi naging maganda sa kanila ang joke na ito ni Joey, kaya bumuhos agad ang mga reklamo at pag-alma nila dahil may kaugnayan daw ito sa suicide o pagpapakamatay.
May mga panawagan din kay MTRCB Chairperson Lala Sotto kung saan nais kastiguhin at parusahan si Joey tulad ng ginawa ng kanyang ahensya sa hosts ng noontime show na It’s Showtime na sina Vice Ganda at Ion Perez.
Dahil sa nangyari, tiniyak ng MTRCB na susuriin nila ang mga natanggap na reklamo laban sa komedyante.
Narito ang official statement ng MTRCB tungkol sa pagbibiro ni Joey na diumano’y may kinalalaman sa suicide.
“Taking cognizance of the complaints from the viewing public in relation to E.A.T. Gimme 5 segment aired last 23 September 2023, the Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) shall determine if the same are valid and presumably violative of Presidential Decree No. 1986 and/or its Implementing Rules and Regulations,”
At least, may reaksyon na agad ang MTRCB sa reklamo laban kay Joey, ‘di ba? Pero siyempre, iimbestigahan pa muna nila kung talaga nga bang may nilabag ang daddy ni Keempee de Leon sa batas ng MTRCB.
***
ZERO pa rin ang lovelife ng singer na si Eric Santos. Ayon sa kanya, hindi pa siya handang makipagrelasyon ulit sa ngayon. Pero siyempre, wish pa rin niya na sana’y dumating na rin ang tamang babae na itinadhana para sa kanya.
Sabi ni Eric,“Siyempre po naman, hindi rin magandang mag-isa sa buhay. So, hopefully, I’m really praying in the near, near, near future na magkaroon na rin po ako ng sarili kong pamilya.”
Sa tanong kung anong mga qualities ang hinahanap niya sa isang babae, ang sagot niya, “Siyempre, maganda. Kasi gusto mo namang gumising ng every morning na maganda ‘yung nakikita mo, ‘di ba?
“To be honest, siyempre, ‘yung mauunawaan ang trabaho ko, at makakasundo ko at makakasundo ng personalidad ko. Makakapag-adjust ako at the same time, makakapag-adjust siya sa akin,” aniya pa.
Walang isyu kay Eric kung taga-showbiz o hindi ang magiging dyowa niya, “Kahit sino. Magiging choosy pa ba ako? Basta maganda. Kailangang maganda, at maganda ang kalooban. ‘Yun naman kasi talaga ang pinakaimportante sa lahat.”