Advertisers

Advertisers

DOH sa publiko: Gumamit ng generic medicines

0 4

Advertisers

HINIKAYAT ng Department of Health (DOH) ang publiko na gumamit ng generic medicines dahil bukod sa mas mura na ay kasing epektibo rin ito ng mga branded na gamot.

Ang panawagan ay ginawa ni DOH – Ilocos Regional Director Paula Paz M. Sydiongco sa kanyang talumpati nang dumalo sa pagbubukas ng 2-day “Generics Awareness Month Celebration” kamakailan, sa Provincial Farmers Livelihood Development Center sa Vigan City, na nilahukan ng mga pangulo ng Barangay Health Workers Federation at mga miyembro ng mga Drugstore Store Association of the Philippines (DSAP) – Ilocos Sur sa Ilocos Sur.

“Ang generic medicines ay mas mura kaysa sa mga branded na gamot at pareho lang sila ng kalidad at bisa. Mas makakatipid kayo sa inyong mga gamot kung ito ang inyong gagamitin. I have been using generic medicine for years now at ako na ang nagsasabi na it is safe, reliable and effective as the branded and expensive ones,” ayon pa kay Sydiongco, sa isang kalatas nitong Miyerkules.



Dagdag pa niya, “Although hindi lahat ng branded na gamot ay may katumbas na generic medicine, dahil ang mga iba ay patent-protected at ito ay mabibili lamang sa mga kumpanyang naka-imbento nito and it usually becomes available only after the patent expires gaya ng mga bagong tuklas na mga gamot ngayon laban sa mga bagong sakit.”

Kasabay nito, pinaalalahanan rin niya ang publiko na bumili lamang ng generic medicines sa mga FDA-registered na mga botika.

Samantala, pinayuhan naman ni Assistant Regional Director Rodolfo Antonio M. Albornoz ang mga BHWs at DSAP members na suportahan ang pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang paggamit ng generic medicines.

“Sa ating mga BHWs, continue to encourage residents in your barangays na bumili at gumamit ng generic drugs para sa kanilang maintenance or para sa treatment ng kanilang mga karamdaman. Sa mga drugstore owners naman, ipagpatuloy ninyo ang pabibigay ng mga dekalidad, ligtas at epektibong generic drugs upang patuloy na matulungan ang ating mga kababayan,” ani Albornoz.

Ang Generic Awareness Month ay isinagawa bilang paggunita ng ika-35 anibersaryo ng pagkakapasa ng Generics Act of 1988 o Republic Act 6675, na nagsusulong sa paggawa ng sapat, abot-kaya at epektibong generic drugs para sa mga Pinoy.



Ang tema ng akitibidad ngayong taon ay “Kalusugan ay Palakasin, Generics Ating Tangkilikin.”

Layunin nitong hikayatin ang publiko na ikonsidera ang paggamit ng generic medicines para lunasan ang mga karamdaman, dahil ito’y ligtas at kasing bisa rin ng mga branded medicines.

Ipinaliwanag naman ni Regional Pharmacist, Farida D. Espina, na ang generic drugs ay mas mura dahil ang mga manufacturers nito ay hindi na gumagamit ng mga hindi kinakailangang advertising at promosyon, gayundin ng mga mamahaling packaging para sa marketing.

“Pero sa kalidad at bisa ay pareho lang sila and most important is that generic drugs and medicines have passed through the Food and Drug Administration’s (FDA) safety standards at ang mga ito ay mayroong Certificate of Product Registration kaya ito ay ligtas at mabisang gamiting gamot,” sabi pa nito. (ANDI GARCIA)