Advertisers
HALOS apat na buwan ding natigil ang operasyon ng mga pergalan sa Oriental Mindoro matapos na mapatay nitong Mayo 31, ang radio broadcaster na si Cris Bunduquin.
Ayon sa ulat “open” na uli ang sugal tulad ng color games, pingpong at drop ball sa nasabing lalawigan.
Sinabi din ng source na may “basbas” na diumano ni PRO MIMAROPA Regional Director PBGen Joel Doria ang muling pagbubukas ng “sugal lupa”.
Naging laman din ng programa ni Bunduquin sa radyo ang pagtuligsa nito sa ilang pulitiko ay proteksyong ibinibigay ng ilang tiwaling PNP officials sa mga gambling operator kaya ito pinatahimik.
Matapos na mapatay ang mamamahayag na tumutuligsa sa ilegal na sugal sa lalawigan ni Governor Humerlito Dolor ay sunod-sunod na tayong nakakatanggap ng sumbong via text messages:
Walang pangingimi ang isa naming tagasubaybay sa kanyang kahilingan na kasuhan umano ang kanilang gobernador, PNP provincial director at regional director sa umanoy pananahimik ng mga ito at koneksyon ng nga ito sa ilegal na sugal maging ng jueteng ay patuloy na namamayagpag sa kanilang Areas of Responsibility (AoR).
Nanawagan din ang aking avid reader na panindigan ni Gen. Joel Doria ang tuluyang pagpapahinto sa ilegal na sugal na kung tawagin ay pergalan o perya-sugalan kung totoo nga na wala itong kinalaman sa illegal gambling.
Sa kanyang text, nanawagan ito kay DILG Sec. Benhur Abalos, na sampahan ng kasong administratibo ang mga nabanggit na government officials dahil sa posibleng pangungunsinti umano ng mga ito sa muling pagbubukas ng pergalan o perya-sugalan.
Hindi lamang pala ang inyong lingkod ang nag-iisa sa paglalantad ng katotohanan sapagkat maging ang payak na mamamayan ay tumutuligsa din sa di pag-aksyon ng kanilang gobernador kung saan hiniling nga ng mga ito kay Sec. Abalos na kasuhan maging ang ilang tiwaling alkalde sa Oriental Mindoro.
Sinabi din ng masugid naming taga subaybay na nito lamang Setyembre 21 pinayagan ng PNP regional directors office ang mga gambling operators dahil na rin umano sa pakiusap ng maimpluwensiyang pulitiko ng first district ng Oriental Mindoro.
Sinabi din niya na nababalewala na ang direktiba ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr., na “One Strike at No Take, Policy” sapagkat wala umanong nasisibak ni isa mang opisyal ng PNP sa Oriental Mindoro na kunsintidor sa iligal na sugal hanggang sa mapaslang nga ang mamamahayag na si Bunduquin na tumutuligsa dito.
Tutukan natin!