Advertisers

Advertisers

KATAPATAN SA BAYAN

0 2,890

Advertisers

SADYANG walang palad ang mga Pinoy sa uri ng opisyal na nasa pamahalaan, halal o itinalaga. Sa pag-upo sa pwestong tangan, ang katapata’y sa sarili’t sa taong nagtalaga, kung ‘di halal. Karamihan sa mga taong naitalaga na nagsikap sa buhay at trabaho upang mapansin ng among halal ng bayan. Kahit may kahusayan, sa pag-upo sa pwesto na puno ng ginto, nalilimutan ang pinagmulan at sarili ang iniintindi higit ng among malaki ang pakinabang. Sa sarap na natikman, tila nabulag sa pwestong pinatanganan ni Mang Juan at huli ang serbisyong bayan. Sa pag-upo, ang naging hangari’y magparami ng laman ng lukbutan na dating wala ngayo’y paldo’t kasing taba ng butangera sa opisina ng abalang pangulo.

Masakit na mabatid na ang mga opisyal ng baya’y patuloy na lumalayo ang kabuhayan gamit ang kaban bayan na para sa serbisyo sa mamamayan. Subalit, hindi masasabi na alang serbisyong binababa dahil kaliwa’t kanan ang bigayan ng ayuda sa maraming kababayan na sadyang binubulag sa kakarampot na halaga na pinamuhunanan para sa halalan. Sa totoo lang, hindi serbisyo ang hangad sa bigayan ng ayuda sa halip ang ‘di malimot ang pangalan ng opisyal na nagbibigay ng pondong ‘di kanya na para sa bayan. Ang maliit na halagang ipinamamahagi’y kakarampot sa halaga na pumapasok sa lukbutan ng opisyal na hiyang sa nakaw.

Batid ni Mang Juan na marami sa mga opisyal ng bayan na pinakikinabangan ang perang buwis ng bayan para sa pansariling interes. Masakit sa mata ngunit karaniwan na makikita sa kakalsadahan ang magagarang sasakyan na gamit ng matataas na opisyal ng bayan. Bihira sa pagkakataon na masilip na gamit ang karag-karag na sasakyan dahil ‘di karaniwan sa mga halal ng bayan ang gumagamit ng mga 2nd hand na sasakyan. Ang kailanga’y mga sasakyan na matatag dahil sa uri ng kakalsadahan meron ang bansa. O’ sa uri ng dila na meron ang mga opisyal na ibig-na-ibig ang magagarang sasakyan na nagpapakomportable sa paglalakbay.



Sa pagbabantay sa kaganapan, mapapansin kung ano ang uri sa pag-uugali ng nagtalaga gayun din ang opisyal na itinalaga. At tila modelo sa mga tauhan ang opisyal na pinaglilingkuran, kasama ba ang pagiging butangera. Ang mabigat tulad ng nasabi sa una, ang katapatan ng mga naitalaga’y nakatuon sa kagalingan pansarili at sa among pinaglilingkuran at ‘di sa bayan. Hindi makitaan ang mga opisyal ng pagmamalasakit para sa kabutihan ni Mang Juan at ng bayan. Ngunit, walang ‘di gagawin sa among duhapa sa pera’t kapangyarihan basta’t nakakamtan ang luhong natikman. Hindi gagawa ng ikakapahamak ng amo kahit baluktot at agrabyado ang bayan. Ang tunay na serbisyo’y ilalaan sa among marunong mag-alaga sa kapakanan pansarili at sa mga taong malapit at pinakikinabangan. Huli sa pakinabang si Mang Juan at ang bayan?

Sa pag-inog ng panahon, nakaupo ang mga bagong halal ng bayan, hindi pa nag-iinit ang puwet sa opisinang pinapasukan, nariyan at humingi na ng ayuda sa punong himpilan ng bayan. Hindi pa tapos ang taon (2022), ang hiling ay tila dininig, ibinigay ang salapi sa opisina ng abalang pangulo base sa hiling na pangangailangan. Hindi nagtagal, na pag-alaman na ang ayudang inabot sa himpilan ng abalang pangulo’y ginastos sa loob ng 19 na araw. Ngunit ang balitang ito’y sala sa katotohanan dahil sa pinakahuling kaalaman, umabot lamang sa labing isang ( 11 ) araw ang pagtustos sa halagang P125M o P11.363M bawat araw. Sinong mahikero ang gumawa ng himala na ang laking perang bangit ay nawala sa loob ng 11 araw. May katotohanan ba ang usapan na bumili ang opisina ng abalang pangulo ng mga mamahaling sasakyan para sa mga bataan ni Inday Sapak na nagkakahalaga ng P10.8M+ bawat sasakyan, ilan ang binili? Nararapat na ipaliwanag sa bayan ang pagbili ng mamahaling sasakyan dahil ito’y dugo at pawis ni Mang Juan.

Mapait sa panlasa ni Mang Juan na malaman na tila kendi kung tustusin ang buwis na binabayad para sa kapritso ng opisyal ng pamahalaan. Sa totoo lang, tikom ang bibig ng mga opisyal sa mga pinaglilingkurang opisina at ‘di nabalita ang walang patumanggang paggamit ng pera ng bayan. Pasalamat at may COA na nakabatid ng transaksyon na naglabas ng impormasyon hingil sa paggamit ng pera ng bayan ng opisina ng abalang pangulo. Sa paggamit ng pera ng bayan, kinakitaan ang mga opisyal ng abalang pangulo ng pagtikom ng bibig sa likod ng malaking gastusin ng bayan. Patunay na ang katapatan ng mga opisyal ng OBP’y nasa abalang pangulo at ‘di sa bayan. Nakakaiyak ang kaganapan sa likod maging sa harap ni Mang Juan, ang garapalang pang-aabuso sa kabang bayan. Walang ibig magpaalam sa gawang pang-aabuso o sadyang kalakaran sa opisina ng abalang pangulo ang manahimik sa tustusang nagaganap. Sa kawalan ng kalansing sa kaganapan, umaasa ang mga kawani na marami pang dadating na pakinabang. Kung walang kikibo eh ‘di lahat happy.

Sa totoo lang, walang malay si Mang Juan sa kilos Al Capone ng mga tauhan sa tahanan ng abalang pangulo. Nakapanlulumo ang kaganapan at puro bulag, pipi at bingi ang mga taga-OBP na naglilinis linisan kahit puro mantsa ang katawan. Hirap na hirap ang bayan, sa kabila nito’y mababatid na ang mataas na opisyal ng baya’y nagtatapon ng salapi sa luho ng katawan at ng kasamahan. Ang mga anak ni Mang Jua’y tila pulubi na pinababayaan o hinahayaan ng walang pusong nilalang mula sa Durianan ng bayan. Sa takot ng mga tauhan na lumihis ng landas at baka ‘di lang sapak ang abutin, ang manahimik ang kalakaran. At dahil walang habas ang pakinabang mainam ang manahimik sa opisinang naghihintay ng kaganapan sa puno ng bayan.

Sa mga opisyal na kasama ni Inday Sapak, hindi inaalis ang katapatan sa nagtalaga sa inyo sa pwestong tangan ngunit panatiliin ang maging marangal, timbangin at isa alang-alang ang kagalingang bayan . Huwag alisin sa kaisipan na bahagi kayo, maging ang mga kaanak malayo o malapit sa nag-aambag upang mapabuti ang kalagayan ng bansa. Ang pagsasabi ng gawang mali’y ‘di dapat itago sa halip ipabatid sa bayan. Ang pansamantalang pakinabang ay magaan kumpara sa bigat na dala ng bayan na ibig pagsilbihan. Huwag iwalay sa sarili na ang tamang gawa sa inyo’y magpapalaya. Hindi nagbubunga ng mabuti ang pagtataksil sa bayan para sa pansamantalang pakinabang. Maging huwaran ng kabutihan, ibigay ang KATAPATAN SA BAYAN at ‘di sa tiwaling walang alam.



Maraming Salamat po!!!