Advertisers
ANG mga motorcycle riders na beginners o baguhan pa lang o nagmamaneho na ngunit gustong malaman ang pangunahing kaalaman sa paghawak at pagpapatakbo ng mga motorsiklo na nakatuon sa safety riding ay maaari na ngayong mag-enroll sa Motorcycle Riding Academy ng Metropolitan Manila Development Authority sa pagbubukas nito ngayong Setyembre 27.
Matatagpuan sa isang bakanteng property ng Government Service Insurance System (GSIS) sa kahabaan ng Julia Vargas Avenue, corner Meralco Avenue sa Pasig City, ang Motorcycle Riding Academy ay magsasagawa ng libreng pagsasanay para sa mga interesadong indibidwal na may edad 17 taong gulang pataas. Ito ay tumanggap ng 100 kalahok bawat batch.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na naniniwala siya na tutugunan ng MRA ang mga motorcycle riders, na pinaniniwalaan niyang kulang sa edukasyon sa trapiko, at upang baguhin ang kanilang pag-iisip sa tuwing sila ay nasa kalsada.
“Hindi ako naniniwala na ang ibang motorcycle riders ay likas na walang disiplina, bagkus kulang lamang sila sa kaalaman at edukasyon sa tamang paggamit ng daan, traffic rules and regulations, and proper driving skills. ‘Yan po ang hangad natin sa pagtatayo ng MC Riding Academy – bigyan ng edukasyon ang mga motorcycle riders at baguhin ang kanilang isipan.”
Sa isang mensahe, ipinahayag ni Vice President at concurrent Department of Education Secretary Sara Duterte ang kanyang suporta sa MMDA Motorcycle Riding Academy.
Aniya, ang mga motorsiklo ay isang karaniwang paraan ng transportasyon sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa, ngunit sila rin ay kabilang sa mga pinaka-mahina na sasakyan sa kalsada. Ang akademya ay tutulong sa pagpapagaan ng mga panganib sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga sumasakay ng kinakailangang kaalaman at kakayahan para sa ligtas na pagsakay.
“To save lives and reduce the number of motorcycle-related accidents on Metro Manila’s road, I support the MMDA’s implementation of this initiative.” ani Duterte. (JOJO SADIWA)