Advertisers

Advertisers

ATIN ANG BAJO DE MASINLOC!

0 48

Advertisers

PATI tenga ko, pumapalakpak, figuratively speaking, sa pagtanggal ng ating Philippine Coast Guard (PCG) sa palutang na barrier na inilagay ng China sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc).

Tama yan: tapos na ang mga araw ng diplomatic protest lamang ang itinatapat natin sa pambu-bully ng China, panahon na ito ng aksiyon katapat ng bawat kilos na pandadararag nila sa atin.

Maliwanag pa sa sikat ng araw, atin ang Scarborough Shoal — na daan-daang taon nang pangisdaan natin noon pa man, at ito ay nasa loob ng 200 nautical mile ng ating exclusive economic zone (EEZ).



Noong unang mga taon ng 1950s, bangkang de layag at ng lumaon ay bangkang de motor ang ginagamit ng mga mangingisdang taga-Zambales ang Bajo, pero inokupahan ito noong 2012 ng China.

Itong Bajo ay 198 kilometro lang ang layo sa kanluran ng Subic Bay, at talagang atin ito, pero ang China, kaykapal ng apog, inaangking kanila raw?

Pati itong Taiwan, na ewan ko ba at inaangkin din ang pangisdaang ito, ay talaga namang iniismol tayo ng mga singkit na ito!

Sa agawang ito, sobrang tahimik si dating Sen. Antonio Trillanes na sabi nga ni dating Senate President Juan Ponce Enrile at ngayon ay presidential legal adviser ni Presidente ‘Bongbong’ Marcos Jr., e kung ilang beses naglabas-pasok sa China sa kainitan ng tensiyon noon sa Bajo sa utos ng yumaong si PNoy.

Matapos ang hindi ibinulgar na misyon ni Trillanes, nagsimula noong 2012 ang pagtatayo ng naval base ang China sa Scarborough, kaya pwde po ba, magagaling nating senador, mga kongresista, pakitawag nga itong si Trillanes at usisain kung ano ba ang sekreto ng “kasunduan” na pinasok niya sa China kaya supertapang nito na angkinin ang ating nasasakop ng ating EEZ?



Pinupuri natin si PBBM na nagpapakita ng tapang laban sa pandadarag ng China, kasi siya mismo ang nag-utos sa PCG na alisin ang harang na floating barriers sa Scarborough.

Ganyan dapat ang ikilos natin at tama na gumawa na tayo ng mga hakbang kung paano muli nating makokontrol ang Bajo de Masinloc, lalo na ang malawak na laguna (lawa) na duon ay napakayaman sa isda.

Dapat na panindigan na natin at “wag tayong matakot sa China, e ano pa ba ang silbi ng ating Mutual Defense Treaty (MDT) at nagkalat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) natin sa US kung lagi tayong nababahag ang buntot sa sobrang angas na galaw ng Chinese militia.

May hawak tayong panalo sa kaso laban sa China nang ideklara ng Permanent Court of Arbitration (PCA) in The Hague noong 2016 na balewala, walang silbi ang legalidad ng pag-angkin ng Beijing sa buong West Philippine Sea (WPS) sa ipinagmamalaki nitong nine-dash line.

Invalid yun, sabi ni PCA at tayo, ang Pilipinas ang may sovereign rights sa WPS na tinatawag ng China na South China Sea (SCS).

Bakit tayo matatakot sa China e atin talaga ang WPS, at ito ay kinikilalang atin nga ng US, Japan, Australia, at iba pang bansa.

Tama si PBBM na ipakita ang tapang niya na ipagtanggol ang ating teritoryo — kahit hindi ito kinikilala ng China na nagsasabi na kaibigan daw natin.

E kung kaibigan natin, igagalang ng Beijing ang desisyon ng PCA, pero hindi imbes na sundin ang sabi ng PCA, walang pakialam na itinataboy ang ating mga barko, mga mangingisda natin sa sakop ng ating teritoryo.

Kaibigan ba yon sa halip na kausapin nang maayos, pasasabugan ka ng water cannons, pasisinagan ka ng military grade laser na nakabubulag at patuloy na hinaharass sa pagharang at tangkang pagsagasa sa mga bangka natin at ng barko ng PCG sa laot ng Scarborough Shoal.

Hanga tayo sa tapang ng ating PCG at tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagtatanggal nila ng palutang na barrier.

Pati ang lambat at angkala (anchor) na nakakabit sa harang, kinuha ng tropa natin at ngayon, kahit paano, nakapangingisda tayo sa lugar.

Pero hindi ito magtatagal sa paniwala natin, kasi gagawa at kikilos uli ang China na maglagay ng mga harang at magde-deploy ng malalaking barko nila sa Bajo de Masinloc.

Kaya sana, wag nating iiwanan ang lugar at ipagpatuloy ang magkasamang military exercises at Balikatan natin sa US sa lugar at nang makita ng China na ating pinaninindigang atin ang Scarborough, at ipakita na sila ang mang-aagaw ng teritoryo at hindi tayo.

At napansin ba nyo na nang tinatanggal ang floating barrier, nakamasid lang ang Chinese Coast Guard kasi bukod sa matapang nating PCG, AFP at BFAR personnel, may kasamang local at foreign media na nagbantay sa aktibidad na iyon.

Next time, kung totoo ang sinasabi ni Trillanes na handa niyang ibuwis ang buhay niya at yagbols sa pagtatanggol sa ating soberenya na ipinagmamalaki niya noong siya ay senador, aba sumakay siya sa barko ng PCG at itaboy ang mga mang-aagaw ng ating teritoryo.

Posible na sa susunod na mga araw, maglagay uli ng mga harang ang China sa WPS, at naniniwala ako sa tapang ng ating PCG, AFP at BFAR (makinig ka, Trillanes!), matapang nila na tatanggalin iyon.

Umaasa tayo sa pangako ni Pangulong Marcos na hindi siya papayag na kahit isang dangkal ng ating teritoryo ay makukuha nang sinomang bansa sapagkat atin, talagang atin ang WPS.

Panahon na ipakita natin na may ganting kilos ang pandadaragdag ng China sa ating teritoryo.

Ayaw natin ng gulo, at ito ang nais ni PBBM na kung anoman ang gulo sa agawan sa teritoryo, pag-usapan sa paraang mapayapa, magkaroon ng lagdaan at kasunduan nang maayos na paglutas sa sigalot sa WPS.

Isang hakbang pa rito ay ang pagdulog sa United Nations o sa PCA kung kailangan at hikayatin ang China na sumali sa arbitration.

Kailangang patunayan sa mundo ng Beijing ang sinasabi nito na kaibigan niya ang Pilipinas at hindi ito isang bully na tulad ng ipinakikia nitong kilos sa karagatang ating angkin sa WPS.

Samantala, wag tayong maging pabaya dahil alam natin, hanggang walang kasunduan o kongketong kilos ang China na ayusin sa mapayapang usapan ang agawan sa WPS, gagawa at kikilos ito laban sa ating interes.

Samantala rin, kailangang matingnan uli ang mga dahilan kaya nawala sa ating kontrol ang Scarborough noong 2016 matapos na umatras tayo sa maigting na girian sa lugar noong 2012.

Busisiin natin, ano ang naging papel ni Trillanes at ano ang totoo sa misyon niya noon sa Beijing sa utos noon ng namayapang si PNoy Aquino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.