Advertisers

Advertisers

GINAWA NI HOUSE SPEAKER MARTIN ROMUALDEZ NA PAGBITIWIN ANG OTS CHIEF, IPINAGBUNYI

0 13

Advertisers

Napakaganda ng ginawa ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez nang diretsahan nitong pagsabihan si Usec Ma. O Aplasca na magbitiw na bilang puno ng Office for Transport Security (OTS), kasabay ng banta na haharangin niya ang budget ng OTS kapag nagpilit itong manatili sa puwesto, sa gitna ng ani Romualdez ay kahihiyang idinulot ng mga insidente ng nakawan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals mula nang maupo si Aplasca.

“Mag-resign ka na. Kung hindi ka magsa-submit ng resignation, ako mismo ang magba-block ng approval ng budget ng OTS…We cannot let these atrocious activities and other acts of misconduct at the airport to continue to take place. It’s bad for the country and the economy,” matapang na pahayag ni Romualdez, kasabay ng pagbanggit sa tinatawag na ‘command responsibility’ kung saan ang hepe ay dapat managot sa mga nagaganap sa ilalim ng kanyang tanggapang pinamumunuan.

Sabi ni Aplasca sa isang interview, nagtataka daw siya kung bakit sa kanya napunta ang focus samantalang siya daw ang nag-iimbestiga.



Maliwanag pa sa sikat ng araw na naiinis si Speaker Romualdez dahil sa dami ng kaso ng nakawan sa NAIA na sangkot ang OTS sa pamumuno mismo ni Aplasca. Nakakasira daw ito sa ekonomiya at sa bansa mismo sa pangkalahatan.

Sa dami nga ng nasabing insidente ng pagnanakaw sa pasahero kung saan OTS lagi ang sangkot at sa mismong NAIA pa nagaganap, ni minsan ay hindi sumagi sa isipan ni Aplasca ang magkusang magbitiw sa puwesto. Wala ring naglalakas-loob na mag-demand na siya ay mag-resign, sa di malamang dahilan.

Kaya naman marami ang nabulaga at natuwa nang mapuno na mismo si Speaker Romualdez sabay hingi kaagad ng pagbibitiw ni Aplasca at pagbabanta na haharangin niya mismo ang budget ng OTS pag di magbibitiw si Aplasca. Siya lang ang katangi-tanging gumawa nito sa dami ng tao sa gobyerno na pupuwedeng magsalita gaya niya.

Eh ni hindi pa nga naklita ni Speaker Romualdez ‘ yung ibinigay na interview ni Aplasca sa SMNI. Lalo na sigurong uminit ang ulo nito kung nagkataon.

Sinabi kasi duon ni Aplasca na sa tingin niya ay hindi pa huli ang kontrobersyal na insidente kung saan nilunok ng OTS personnel ang $300 na ninakaw umano sa pasaherong Chinese nang i-manual inspection ang bag nito. Nangyari ang paglunok bago pa dumating ang airport police na siguradong kakapkapan ang nasabing OTS. Dahil nilunok na nga ang dolyares, wala nang ebidensiya.



Sa mga tinuran ni Aplasca na siya ay naniniwalang hindi pa ‘yun ang huling insidente ng nakawan sa NAIA base daw sa kanyang obserbasyon , sinabi din niya na naroon pa din daw kasi ang ‘core’ na hindi tumatalima sa reporma.

Dun naman sa kanyang pagtataka kung bakit daw sa kanya natuon ang focus bigla, hindi naman tipong ngayon lang me nangyaring nakawan sa NAIA tapos bigla siyang pinagre-resign.

Marami na ang nangyari bago pa dumating ang galit ni Speaker Martin. Napuno na ito, kumbaga dahil sobra na nga namang talaga ang kahihiyang idinudulot ng OTS at damay-damay lahat ng Pilipino dito.

Halimbawa na lang noong Febnruary 22 lamang, kung saan limang personnel ng OTS na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang nag-viral matapos makuhaan ng dalawang video ng pagkuha ng pera mula sa isang transiting Thai tourist na si Kitja Thabthim. Kuha ang mga video sa security screening checkpoint at ini-upload sa Facebook ng isa pang banyaga na si Piyawat Gunlayaprasit, isa ring paalis na Thai passenger nang mga oras na iyon.

Nakita sa unang video ang OTS personnel na may isinusuksok sa bulsa ng jacket ng kanyang kasamahan. Sa ikalawang video naman ay nakita ang biktima na nagde-demand na isoli ng screening officer ang kinuhang 20,000 yen mula sa kanya.

Nang makita ang FB post, ni-repost ito ng isa pang Thai passenger na si Saruta Jansila, dahil ganun din daw nangyari sa kanya noong February 9. Sabi nung Jansila, 40,000 yen naman ang nawala sa kanya at habang hinihingi nilang ma-review ang CCTV, kinakausap daw sila ng ibang OTS personnel tungkol sa kanilang pupuntahan at pinanggalingan at kung nagustuhan nila ang Pilipinas.

Maya-maya pa, sinabihan daw itong tignan ulit ang pitaka at bigla ay naroon na daw ulit ‘yung nawawala niyang pera pero nasa ibang lokasyon na.

“Hey! Surprise, money moved to 4 front pockets,” sabi pa ni Jansila sa kanyang Facebook Page na, “People Who Like to Roam Around Japan.’

Ilang araw makalipas niyan ay nawalan naman ng relo ang isang Chinese passenger na si Sun Yuhong matapos umanong ma-screen ng OTS. Dinampot ng PNP ang nasabing OTS personnel.

Ngayon, naiintindihan na ba ninyo kung saan nanggagaling ang galit ni Speaker Romualdez? Maliwanag pa sa sikat ng araw na tama lang ang ginawa niya di ba? Panahon na nga naman para palitan na ang namumuno ng OTS. Baka sakali, maputol na din ang sinasabi ni Aplasca na ‘core.’

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.