Advertisers
NAGISING din sa wakas at nakaramdam ng hiya ang mga kakampi ni Vice President “Inday” Sara Duterte sa Kongreso. Binabawi na raw nila ang intelligence fund na hiniling ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para sa taon 2024, ilalagay nalang daw ang naturang pondo sa mga ahensiyang ang mandato ay pangalagaan ang national security ng bansa.
Ito’y matapos ulanin ng batikos ni Juan dela Cruz si Vice President at DepEd Secretary Duterte sa kanyang napakalaking confidential at intelligence funds (CIFs) gayung hindi nito trabaho ang maniktik sa mga elementong nais magpabagsak sa gobyerno.
Ang pagbawi sa CIFs ni Inday Sara ay inanunsyo ng Kongreso nitong Miyerkoles sa mainit na pagtalakay sa mga budget ng bawat ahensiya ng gobyerno para sa sunod na taon.
Sinabi naman sa Kongreso ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the Ombudsman na hindi nila kailangan ng confidential funds. Bravo!
Ayon sa rekord, 27 ahensiya ang humihingi ng confidential funds. Bagay na inalmahan ng Makabayan bloc na sina Partylist Representatives France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel at Rep. Edcel Lagman, at Senators Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Giit ng mga oposisyong mambabatas, ang mga ahensiya walang kinalaman sa pangangalaga sa seguridad ng bansa ay hindi dapat magkaroon ng confidential funds. Makabubuti anilang dagdagan nalang ang intelligence fund ng Department of National Defense (DND) at Philippine Coast Guard (PCG) na nahaharap ngayon sa matinding pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).
Nauso lang naman itong confidential funds sa pag-upo ni VP Duterte kungsaan ang kanyang rason ay para raw mapadali ang pag-implement ng kanilang mga proyekto.
Ang confidential funds ay walang resibo, hindi nau-audit ng Commission on Audit. Kaya hindi alam nating taxpayers kung tama ang paglustay sa pondong ito.
May post si CoA Commissioner Heidi Mendoza:
“If you are confident, ako rin!
Hala, confident ka dapat ipaliwanag kung saan mo ginamit ang iyong funds.
Hindi man ako abogado, Auditor ako! Pero reminder lang: Kahit ordinaryong mamamayan may karapatang alamin kung paano ginamit yan!
Sabagay, wala akong duda, intelligent ka. Kaya dapat alam mo kung saan at paano gamitin yan! In the end I still wish that you can say You are confidentially beautiful, with a heart!
I can assure you, We, the public are intellgent enough to see the truth behind that.”
Sino sa tingin nyo ang pinatatamaan dito ni Comm. Mendoza? Alam na!