‘Operation Urban Blight’, inilunsad sa Maynila
Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga barangay na maging mas lalong mapagmatyag kasabay ng pagsasaayos ng city government ng mga sala-salabat na kable ng kuryente sa ilang bahagi ng lungsod.
Tinawag na, “operation urban blight,” ang nasabing programa ay layuning tanggalin ang mga sala-salabat na mga kableng naglambitin at maaaring magdulot ng panganib.
” Ang operation na ito ay ating ginagawa kung saan tinatanggal natin ang napakaraming wires na sala-salabat na o overloaded wiring installations or ‘yung tinatawag na ‘spaghetti wirings,” pahayag ni Lacuna.
Sa ilalim ng nasabing operasyon, sinabi ni Lacuna na ang city government ay nire-rehabiitate ang nga dilapidated posts at poles, kung saan ang mga wala ng silbi ay inaalis habang inaayos naman ang iba.
Pinasalamatan ng alkalde ang Meralco, city engineer Armand Andres, Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles at ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pamumuno ni Zeny Viaje at adviser nitong Dennis Viaje, sa pagtulong sa operation na nag-pilot sa abalang distrito ng Binondo.
“Walang tigil ang ating pagsasaaayos ng mga kable sa ating lungsod. Wish ko sana, sa mga susunod na taon ay underground na lahat ng mga kable. Magastos, pero safe lalo na sa panahon ngayon,” ayon dito.
Sa kaugnay na kaganapan, nanawagan si Lacuna sa lahat ng mga barangay na maging mas lalong mapagmatyag dahil may mga ulat na may mga kabataan na kinukuha ang mga kable na ginagamit sa pagpapailaw ng ilang lugar.
“Madaming report na ang mga kabaataan sinusungkit ang mga kable. Please naman po, maawa kayo sa inyong mga lugar,” pahayag ni Lacuna.
Binigyang diin ng alkalde na ginagawa ng city government ang lahat upang makaipon ng pondo at magamit sa pagbibigay ng serbisyo sa mga residente kabilang na ang pagpapailaw sa madidilim na lugar.
“Tayo po ay nagsisikap maging masinop para maibigay ang tamang serbisyo sa inyo. ‘Wag naman nating sayangin kasi ginagastuan natin ‘yan. Di lang ng lokal na pamahalaan kundi maging ng national government. Sayang naman at madami tayong napeperwisyo,” apela ni Lacuna. (ANDI GARCIA)