Advertisers
Kinumpiska ng National Bureau of Investigation-NCR ang mahigit P74 milyong halaga ng pekeng baterya, charger at iba pang gadget sa isang warehouse sa Quiapo, Maynila.
“Alam naman natin there were instances na merong mga sunog na sanhi nitong mga sumabog na chargers, batteries dahil counterfeit nga. Marami tayong naiwasang sakuna sa operation ng NBI-NCR,” pahayag ni NBI-NCR Regional Director Attorney Rommel Vallejo.
Ang NBI-NCR, sa pakikipagtulungan sa isang cell phone company, ay nagawang masuri kung lehitimo ba ang produkto sa pamamagitan ng serial number at packaging ng mga nakumpiskang gamit.
“Magbigay tayo ng warning sa ating buying public na huwag magpapadala sa mura. Makakamura nga kayo pero hindi tayo sigurado sa kalidad na pwede pa maging dahilan sa aksidente o sa sunog,” ani Vallejo.
Mahaharap sa reklamo ang may-ari ng warehouse dahil sa Trademark Infringement, na isang paglabag sa ilalim ng Intellectual Property Rights Law. (Jocelyn Domenden)