Advertisers
PATAY ang isang security guard nang madamay sa barilan ng mga pulis at hindi kilalang armadong suspek sa Caloocan City, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ang biktima na agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan na si Ariel Clavido, security guard ng BPI Grace Park 2nd Avenue Branch, Caloocan City.
Sa ulat ni P/Col Lacuesta kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Rizalito Gapas, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng East Grace Park Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/Lt Jherico Pascual sa kahabaan ng Rizal Avenue Ext., pagitan ng 2nd at 1st Avenue. Brgy. 41 alas-2:10 ng madaling araw nang mapandin ang suspek na nakasuot ng itim na cap, itim na long sleeves, short pants, tsinelas at may sling bag habang sakay ng isang motorsiklo.
Tinangkang tumakas ng suspek nang sitahin ng mga pulis na naging dahilan upang nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo hanggang sa sumemplang. ito.
Bigla na lang itong naglabas ng baril ang susoek at pinagbabaril ang mga pulis na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng mga putok ang mga otoridad hanggang sa nakita ang biktima na nakabulagta sa daan sa gitna ng palitan ng putok.
Nagawang makatakas ng suspek patungong Manila area, habang agad namang tumawag ang mga pulis ng ambulansya para madala ang biktima sa pinakamalapit na hospital subalit, pagdating ng ambulansya ay hindi na ito dinala sa hospital dahil wala na siyang buhay.
Ayon kina police investigators PSSg Aldrin Matthew Matining at PCpl Ariel Dela Cruz, nakuha ng rumespondeng mga tauhan ng NPD Forensic Unit sa crime scene ang siyam na cartridge cases, dalawang cartridges, dalawang metallic jacket fragments at ang gamit na motorsiklo ng suspek.
Inaalam pa ng kung kaninong bala nagmula ang nakatama sa biktima habang patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya para maaresto ang suspek.(Beth Samson)