Advertisers
TODAS ang dalawang hitman ng New People Army (NPA) nang makaengkwentro ang mga otoridad sa Daraga, Albay, Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing rebelde na si Rizaldy Perdigon alyas Sandro, miyembro ng PLTN 3, SRC3, BRPC; at ka-miyembro na si Allan Leron alyas Jason.
Sa report, 5:15 ng hapon nang makaengkwentro ng pinagsanib na mga elemento ng Daraga Police, Provincial Intelligence Unit -Albay PPO, Regional Mobile Force Battalion ang 4 rebelde sa Bascaran road, Daraga.
Sa ulat, abala ang mga otoridad sa pag-aayos ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Bascaran road partikular sa tapat ng Daraga Police Assistance Center nang dumating ang mga rebelde sakay ng 4 motorsiklo. Pinaputukan ng mga ito ang mga otoridad na agad nakaganti ng putok.
Malipas ang ilang minutong palitan ng putok nasawi ang dalawang rebelde, habang nakatakas ang dalawang kasamahan na sakay ng tig-isang motorsiklo.
Nakarekober ng mga otoridad ang isang M653 rifle, 2 caliber 45 pistols at mga basyo ng bala sa pinangyarihan ng engkwentro.
Sangkot ang dalawang nasawing rebelde sa pagpatay kina PSSG Abel Sevulla sa Brgy. Homapon, Albay; retired Colonel Ramiro M Bausa na tumakbo sa pagka-alkalde sa Legaspi; Pvt John C. Adalim at Pvt Mark June D. Esico.
Sangkot din ang mga ito sa panununog ng heavy equipment sa Albay at Legaspi City. (Mark Obleada)