Advertisers
NAGING malagim ang kamatayan ng apat na miyembro ng isang pamilya matapos na sumiklab at gumapang ang apoy mula sa kanilang silid habang mahimbing na natutulog kaninang madaling araw ( Oct 05 ) sa lungsod ng Taguig.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) , nakilala ang apat na nasawi na sina Hanna,13; Janna,13; Al Nassar,21 at isang alyas Al,17-anyos, pawang nakatira sa Gumamela St.Katipunan Village, Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Sa ulat, nagsimula ang sunog bandang alas-3:54am sa 336 Gumamela St., Katipunan Village, Barangay Western Bicutan ng nasabing lungsod.
Ayon kay BFP Officer III Ana Joy Parungao, sa ngayon ay nananatili pa ring under investigation ang naturang insidente upang alamin kung ano ang posibleng naging sanhi ng pagsiklab ng nasabing apoy.
Kaugnay nito ay nakatakda namang isailalim sa autopsy ang mga bangkay ng biktima.
Unang iniulat ng BFP na umabot sa first alarm ang sunog bandang alas-4:07 ng umaga at nakontrol ang pagkalat nito bandang alas-4:22, na tuluyan nang naapula bandang alas-4:37 ng umaga. Agad na nagtungo ang SPD Forensic Unit team sa pamumuno ni PCMS Elmar Manuel upang magsagawa ng imbestigasyon at kilalanin ang mga nasunog na bangkay ng apat na miyembro ng pamilya.
Tinatayang aabot naman sa Php 200,000 ang halaga ng pinsalang idinulot ng pagkasunog ng nasabing bahay. ( JOJO SADIWA )