Advertisers
Sa wakas ay umikot ang mga gulong ng hustisya.
Ito’y makaraang manalo ang Manila Express Payments System (MEPS) sa isinampa nitong infringement at unfair competition case laban sa isa pang kompanya sa Regional Trial Court (RTC) ng Parañaque City.
Naglabas kasi ng desisyon si Judge Noemi Balitaan ng Parañaque RTC Branch 258 laban sa Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP).
Batay sa 34-pahinang desisyon, inatasan ni Balitaan ang E-TAP at maging si Perservando Hernandez na bayaran ang MEPS ng nasa P3 milyon bilang exemplary damages at hiwalay na P200,000 bilang attorney’s fees, maliban sa nagastos ng kompanya sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Sa hatol na may petsang September 26,2023, binanggit ng hukuman na napatunayan ng MEPS na pineke o kinopya raw ng E-TAP ang kanilang sistema. Para sa kaalaman ng lahat, ang MEPS ay matagal nang nasa hanay ng franchising, distribution, trading, at pagbebenta ng registered at patented information technology (IT) products tulad ng Touch Pay na nagpapatakbo ng lisensiyadong modelo.
Binigyang diin sa reklamo ng MEPS na ang business process ng E-TAP sa pamamagitan ng automated payment machine Pay & Go ay lumabag sa kanilang registration kung saan nabunyag din na kasama raw sa mga sinasabing gumagamit ng sistema nito ang Xytrix/ZoomPay na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation, at Electronic Commerce Payments, Inc. (ECPay).
Kung matatandaan, nakasabat ang National Bureau of Investigation (NBI)-Intellectual Property Rights Division ng ilang automated payment machines na may label daw ng mga kompanyang naturan at pinagagana sa pamamagitan ng E-TAP.
Kaya naman, pinaboran ng hukom ang MEPS sa kaso. Sabi ng hukom, kung pagbabatayan ang mga testimonya ng mga testigo ng magkabilang panig at maging ang mga ebidensya, malinaw na ang makina ng E-TAP ay katulad lang din ng pag-aari ng MEPS.
Bagama’t hindi pinagbigyan ang inihihirit na actual damages ng MEPS bunsod ng pagkalugi raw nila, aba’y ipinunto ng hukuman na may karapatan sa exemplary damages ang kompanya, sang-ayon na rin sa Artikulo 2229 ng Civil Code.
NAT’L TEACHERS’ MONTH CELEBRATION NG INNOTECH
Samantala, para ipagdiwang at kilalanin ang dedikasyon, commitment, at ambag sa edukasyon ng bawat guro, nagdaos ang SEAMEO INNOTECH ng annual program nito para sa National Teachers’ Month nitong Biyernes, Oktubre 6, sa Center’s Pearl Hall sa Diliman, Quezon City.
Halaw mula sa temang nabuo ng National Teachers’ Month Coordinating Council (NTMCC), umikot ang selebrasyon ngayong taon sa “Together4Teachers” na may kahulugang Appreciation (Pasasalamat), Admiration (Paghanga), Approval (Pagkilala), at Attention (Pagtugon) kung saan nagsagawa naman ng forum ang INNOTECH na may pamagat na “Palette of Possibilities: Illuminating Teaching through Arts and Humanities.”
Nasa 100 educators mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang dumalo sa event habang higit 1,000 online participants ang lumahok sa pamamagitan ng Zoom broadcast. “You illuminate the path for our future generations. It is you who produce the engineers, the scientists, who suffer and lead. Any successful doctor or any successful politician is the product of a teacher, parents, and their sacrifices for their education and development,” ayon naman sa mensahe ng masipag at energetic na SEAMEO INNOTECH Director at dating Education Secretary Leonor Magtolis-Briones.
Nararapat nga namang bigyan ng kaukulang respeto at pagpupugay ang ating mga mahal na guro.
Bigyang-halaga ang pagtuturo bilang propesyon at, siyempre, ang ambag nila sa paghubog sa ating bansa sa kabuuan.
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!