Advertisers
NAKATANGGAP ng panibagong ‘bomb scare’ ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pamamagitan ng e-mail addresss noong Martes ( Oct 10 ) na nagsasabing “Nagtanim ako ng high-performance na bomba sa isang eroplano mula sa Japan patungo sa isang paliparan sa Pilipinas.”
Ang mensahe ay ipinadala bandang 5:50 AM mula sa isang nangngangalang ‘Takahiro Karasawa’ na may email address na Takahiro-karasawa@matsuko.sakura.ne.jp. Siya ay nagpakilalang isang abogadong Hapon kung saan ay nagbanta ito sa mensahe na isang eroplano ang darating ng hapon sa Maynila at sasabog sa napakalaking sukat.
Ang ilan sa nakasaad sa email ni Karasawa na isinalin sa wikang pilipino ay “Tinatanong ko sa sarili ko kung aling airport ang magiging ideal Shambhala ko. Hindi tulad ng mga nakaraang pagbabanta ng bomba, maraming tao ang mamamatay para sa kapayapaan sa mundo.
Pinapanood ko ang 20 taon mamaya sa iyo. Nagpapasalamat ako na nakilala ko ang lahat na may problema, nalulungkot, at nasisiyahan. (nilalaman ng email)
Ano ang kulay ng langit? Panahon na, lahat ng tao, upang muling bawiin ang iyong kalayaan. Kapangyarihan sa isang boses na walang boses. Pag-ibig hanggang sa panahong walang pag-ibig. Magkaroon ng bagong panahon….. Ang mga mesaheng ito ay hindi isinawalang bahala ng mga awtoridad ng paliparan.
Kaugnay nito, nagsagawa ng pagpupulong ang aviation police upang talakayin kung paano mareresolba ang bomb scare na ito o mga pagbabanta na ipinadala sa pamamagitan ng mga emails, notes, text messaging at maging ang mga hindi kilalang ‘bomb caller’.
Ayon sa airport insider, nang magsagawa sila ng inter-agency meeting at napatunayan ng DICT na ang email ay lokal na pinagmulan at hindi mula sa bansang Japan. Natukoy na nila ang pinagmulan nito at nalaman na ang ‘bomb scare’ ay isang recycled na mensahe mula sa mga nakaraang sirkulasyon.
Sinabi naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa isang pahayag na ang binuong Inter-agency task force ay pahusayin ang deployment ng seguridad sa lahat ng sektor ng transportasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ang iba’t-ibang inter-agency ay Department of Transportation (DOTr), Office for Transportation Security (OTS), Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybercrime Investigation and Coordinating Center ( CICC) at Philippine National Police (PNP).
Umapela din ang DOTr sa mga netizens na iwasang magpakalat at magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi magdulot ng pangamba sa mamamayan. (JOJO SADIWA)