Advertisers

Advertisers

BINABATI KO ANG OPOSISYON

0 10

Advertisers

MARAMI nang araw ang lumipas subalit nanatiling mainit pa rin ang isyu sa tinatawag na ‘Confidential Funds’ ng mga ahensiya ng gobyerno.

Nagsimula ang lahat nang hayaan ng mayorya o mga mambabatas na kakampi ng administrasyon sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na makaporma ang minorya o oposisyon sa ginawang ‘Budget Hearing’.

Nauna sa kanilang listahan ang Office of the Vice President (OVP) at ang Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni Bise Presidente Inday Sarah Duterte.



Maayos naman [sana] ang lahat habang inuulirat ng oposisyon ang hinihingi nitong pondo para sa taon ng 2024 subalit sa ‘di marahil inaasahan ng mayorya – nadamay na ngayon ang administrasyon maging ang Office of the President (OP).

Wala naman kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pero umabot na hanggang sa kanyang tanggapan ang isyu mula nang katigan ng mayorya ng Kongreso na baklasin ang ‘Confidential Funds’ ng OVP, DepEd at iba pang ahensiya.

Kung noong una ay OVP at DepEd lang ang ginigisa sa isyung ito, ngayon ay damay na ang opisina ni PBBM nang mailathala rin sa publiko ang bilyong piso na ginastos gamit ang nasabing pondo.

Mainit na rin na hinihingi ng mga kritiko ng administrasyon ang gastos ng Kongreso at Senado patungkol sa ‘Confidential Funds’. Alam naman natin na ang dalawang Kapulungan na ito ay pinamumunuan ng administrasyon.

Nagaganap ang mga isyung ito ngayon sa kampo ng administrasyon mula nang istimahin nila ang kanilang mga kritiko o oposisyon na kakaunti lamang ang bilang lalo na sa Senado.



Kaya sa pagkakataon na ito ay puwede natin batiin ang oposisyon dahil sa kabila nang kakulangan nila ng bilang sa naturang dalawang Kapulungan ay nagawa nila na guluhin ang mga magkakampi sa administrasyon.

Ang problema ngayon ay kung paano papatayin ang sunog na inihatid ng oposisyon sa kampo ng administrasyon ni PBBM lalo’t ang lumalabas ay sila-sila rin naman ang may isyu sa paggamit ng nasabing pondo.

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com