Advertisers
PAG-IBIG ang pinag-ugatan ng sigalot ngayon sa magkakapatid na Olivarez ng Parañaque City.
At nauwi ito sa pagpapa-blotter pa ni Barangay San Isidro officer-in-charge Shannin Olivarez sa diumano’y pananakit sa kanya ng kapatid na si Eva.
Nangyari ang insidente nang komprontahin si Shannin ng mga kapatid ukol sa napabalitang pagpapakasal niya kay Atty. Jonathan Bernardo, dating kagawad ng barangay.
Matindi ang galit kay Bernardo nina Mayor Eric Olivarez at Rep. Edwin Olivarez dahil ito ang nagsampa ng reklamong katiwalian sa huli nang ito pa ang alkalde ng lungsod.
Sa pagharap-harap ng magkakapatid, pinaamin si Shannin sa ulat na ikinasal ito kay Bernardo. Pero hindi ito nagbigay ng tuwirang sagot kundi nakiusap ito na irespeto na lamang siya dahil nirerespeto niya ang mga ito.
Sa pagpupumilit ni Eva na mapaamin ang kapatid, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong na sa pananakit kay Shannin.
May hawak pa ang kampo ni Shannin na video ng pananakit sa kanya at binanggit niya ito sa pagpapa-blotter sa barangay.
Ngayon, magkatunggali sina Eva at Shannin sa pagka-punong barangay ng San Isidro.