Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MASAYA ang Kapuso actress na si Lianne Valentin na pagkatapos ng kanyang Cinemalaya movie na “ML” ay may follow-up na siya na historical movie na “Apo Hapon” na ididirehe ng premyadong director na si Joel Lamangan.
Katunayan, sobrang excited daw siya sa kanyang role sa maiden offering ng GK Productions kung saan gagampanan niya ang papel ng selosang ex-girlfriend ni Reyson (JC de Vera.)
Kahit fictional ang pelikula, proud daw siya na maging bahagi ng isang obrang tumatalakay sa kasaysayan ng bansa.
“It’s fictional pero based siya sa true to life account kung saan ipinakikita iyong other side ng Japanese people that other people don’t know, na matulungin at friendly na hindi pa nata-tackle sa movies about WWII,” aniya.
Ang “Apo Hapon” ay kuwento ng isang sundalong Hapon na si Kazuo Toro na miyembro ng Japanese Imperial Army na iniwan ang kanyang hukbo upang mamuhay kasama ang mga Igorot sa Norte at tulungan ang mga ito sa kanilang pamumuhay.
Aniya, siya man daw ay nakaranas ng kabutihang-loob ng mga Hapon noong mag-travel siya sa Japan noong 2018.
Naiwan daw niya noon ang kanyang mga pinamili sa Starbucks pero noong balikan daw niya ay nandoon pa rin ito at naisoli sa kanya.
Bilib din daw siya sa pagiging disiplinado ng mga Hapon lalo na sa pagpapahalaga nila sa kanilang palabra de honor at maging sa pagsunod sa batas trapiko.
Hirit pa niya, first time rin daw niyang makakatrabaho ang Japanese actors kaya naman gusto rin niyang iparanas sa mga ito ang brand ng Pinoy hospitality.
Bukod kay JC, kasama rin ni Lianne sa cast sina Sakura Akiyoshi, Perla Bautista, Fumiya Sankai (dating PBB contestant), Nella Dizon, Jim Pebanco, Marcus Madrigal, Rico Barrera at Prince Clemente.
Speaking of bucket list, masaya raw siya na nakatrabaho na niya ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa seryeng “Royal Blood.”
Bet din daw niyang maka-work si Dennis Trillo na isa sa kanyang mga showbiz crushes.
Sey pa niya, okey lang daw sa kanya ang sexy roles pero di raw niya kaya ang paghuhubad for now.
Malaki rin daw ang paghanga niya sa mga gumagawa ng GL o BL series pero sa palagay niya ay hindi pa rin siya handa sa ganitong klase ng genre.
Bilang kilalang kontrabida, dream din daw niyang makatrabaho sina Marian Rivera at Nora Aunor.
Katunayan, willing daw siyang pasampal nang bonggang-bongga sa misis ni Dingdong kung kakailanganin sa eksena.
Flattered din daw siya nang malamang minsan ay nagbiro umano ang Kapuso Primetime Queen at hina-hunting siya dahil gusto siya nitong sampalin.
Inis na inis daw kasi ito sa karakter niya at hindi nito ma-take ang kanyang pagkokontrabida sa kanyang mga serye.