Advertisers
TAMA si Presidente Ferdinabd ‘Bongbong’ Marcos Jr.: may kakayahan tayo — bilang isang agriculture country na biniyayaan ng magandang klima — na maging self-sufficient sa ating pagkain.
Kaya ngayon, tinututukan na ni PBBM na siyang ring nanunungkulang agriculture secretary na palakasin ang ating agri produce, livestocks at ang pangisdaan, at maisulong ang development ng industriyang tatak Filipino nang hindi na tayo umaasa pa sa importasyon.
May balita tayo, nagkausap si PBBM at ang ate niya, si Sen. Imee Marcos na rebisahin ang programa ng kanilang ama, si apo Lakay Ferdie Sr. na noong panahon niya, katuwang ang dalawang agri secretary niya noon, sina Sec. Arturo Tanco Jr. at Sec. Salvador ‘Sonny’ Escudero, hindi lang may food security tayo, exporter pa tayo ng bigas, asukal, fruits, vegetables noon 70s-80s.
Matatandaan na sa isang rally ng grupong magsasaka sa harap ng DA Building, sumali si Ate Imee sa panawagan na ibasura ang nais ng economic team ng Pangulo na ibaba pa ang tarifa sa importasyon ng bigas, mais at iba pang agri produce.
Kasi nga naman, kung kailan, sagana sa aning palay, saka mag-iimport ng bigas at ire-reduce pa ang buwis, at salamat, nakinig ang Pangulo sa mga magsasaka at sa kanyang Ate Imee.
Kasunod nga nito, maraming inilabas na utos si PBBM na tutulong sa mga magsasaka, tulad ng cash aid mula sa kinita sa taripa sa bigas at ibang agri products, may suporta pa sa abono, pestisidyo at pagtiyak na may patubig sa panahon ng El Nino.
***
Gusto nga kasi ng Pangulo na matamo ang pangarap na food security at ito ay nabanggit pala niya noon kay Sir Ramon See Ang, presidente at CEO ng San Miguel Corporation (SMC) noong kainitan ng nakaraang presidential elections.
Sabi ni Don Ramon, mas kilala sa palayaw niyang RSA, nasabi ng Pangulo na ayaw niya na umasa ang bansa sa importasyon ng bigas, karneng manok, baboy, isda, gulay at iba ang produkto sa bukid at pangisdaan.
Kaya ngayon, ibubuhos ni PBMM, sabi niya kay RSA ang suporta sa agri at fishery at livestock industry, lalo na sa lokal na magsasaka at mga negosyanteng nasa produksiyon ng pagkain.
Napansin ko nga pala, sa dinami-dami ng ating multi-bilyonaryong Pinoy Taipan, konti lang ang nag-iinvest sa produksiyon ng lokal nating pagkain, at isa nga ang SMC ni Don RSA.
Ang iba, nakatuon sa real estate, banking at iba pang negosyo na malakihan ang profit.
Pero si RSA, tinatanaw ang negosyong magbibigay ng kakayahan natin na mapakain ang ating sarili, o kaya naman, hindi na gaanong umasa pa sa mga angkat na pagkain at produkto.
Kamakailan nga, si Pangulong Marcos ang natatanging bisita ni Don RSA sa inagurasyon ng bagong tayong malaking poultry farm sa Hagonoy, Davao del Sur na marami ang namangha.
Kasi, ang farm ay ginamitan ng makabagong teknolohiya at siyensya na kayang kontrolin ang klima na siyang magpapabilis sa paglaki ng mga alagang manok, wika nga, world-class controlled climate poultry farm.
Bukod sa de-kalidad na karne ng manok na ipoprodyus sa farm ni Don RSA, higit pa sa sanlibong Pinoy ang magtatrabaho roon, at maraming pamilya ng magsasaka ang makikinabang at iba pang maliliit na negosyante.
Bagong teknolohiya, modernong estilo ng agrikultura ang kailangan ngayon ng bansa, sabi ni PBBM sa pasinaya ng poultry farm, at kung marami pang negosyante ang mag-i-invest sa produksiyon ng pagkain, hindi lang problema sa gutom at kahirapan ang masosolusyonan, masisigurado pa ang food security, mas maaabot ng karaniwang pamilya ang presyo ng pagkain.
Mababawasan at kung mas mapasisigla ang agrikultura at produksiyon ng pagkaing karne at iba pa, hindi na aasa ang bansa sa angkat na produkto mula sa ibang bansa.
Magkakaroon na tayo ng food security at self-sufficiency!
Napag-usapan nina PBBM at Don RSA na upang mas mapasigla ang maliliit na magsasaka, mangingisda, mas mabuti na maisosyo sila sa mga negosyong itatayo ng malalaking negosyante.
Naniniwala si Don RSA na kung kasosyo ang mga manggagawa sa agrikultura, mas sisipagin, mas sisinupin nila ang trabaho, at ang magiging resulta, masaganang ani at kasunod ang pag-angat din ng kanilang kabuhayan.
***
Sabi ng Pangulo, sa modernisasyon, kailangan kasali ang maliliit sa pagsulong, sa paglago ng kabuhayan, hindi lamang ang namumuhunan.
Kaya sa kanyang talumpati, hinikayat ni PBBM ang maraming negosyante na magtulong-tulong sa pagtatayo ng negosyong kaugnay sa produksiyon ng pagkain at higit sa lahat, isosyo ang mga lokal na obrerong bukid at pangisdaan.
Kung mangyayari na ang magsasaka ay maituturing na isa sa “may-ari” ng isang poultry o livestock farm o isang palaisdaan, tiyak magsisipag siya dahil alam niya, kapag dumami ang ani, kasama siya sa makikinabang sa paglago ng negosyo.
Kaya umasa tayo na sa susunod na mga buwan, mas tututukan ng Pangulo ang trabaho niya bilang Agri Secretary upang maseguro, kasama sa modernisasyon ang paglago ng kabuhayan ng maliliit na magsasaka at obrero sa industriya ng pagkain sa bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.