Advertisers
Halalan na naman at ‘di magkandaugaga ang mga kandidato upang ipakilala o ibenta ang sarili sa mga botante o manghahalal. Maingay ang simula ng halalan sa dami ng trumpa na kinakanta ang mga jingle ng mga kandidato at paulit-ulit na binabangit ang ngalan at ang ‘di maubos na mga nagawa at gagawin sa oras na mabigyan ng pagkakataon na mahalal. Walang nakikitang problema sa hanay ng mga kandidato dahil marapat na bangitin ang ngalan, mga balakin at kung anu-anong pangako na inilalapit sa mga manghahalal. Karaniwan ang kilos sa halalan na nagpapataasan ng kung ano ang meron na dapat o kailangang malaman ng tao. Sa totoo lang at hindi mawari na sa maliit na barangay makikita ang naggagandahang mga tarpaulin na ginastusan ng malaking halaga upang ipaabot ang nais na pagseserbisyo kuno sa mga tao. Sana’y mahalal kayong lahat ng maging maligaya ang barangay. At kay Mang Juan bahala ka sa buhay mo.
Sa halalang pambarangay, tunay na nakikita ang takbo ang maliit na mundo ng pulitika na tinatawag na “microcosm” na larawan malaking mapanlinlang na gawaing bayan. Nakakagulat ang dami ng mga nakikilahok sa halalang pambarangay na ang layon ay ang serbisyo sa bayan at mamamayan kuno. Subalit sa pagsusuri ng mga pumalaot sa larangang ito, kita ang pakay na hindi serbisyo sa bayan ang una, kung hindi’ ang sariling pakinabang o interes. Sa totoo lang, mapapansin na may mga tumatakbong kandidato na umiihi na sa salawal o nakasakay na sa upuang may gulong dahil sa katandaan na ayaw iwan ang paglilingkod bayan. Sa nakitang kalagayan, higit na makikita ang pansariling layon at hindi magserbisyo sa bayan. Masarap ang pera ng bayan higit kung nakasanayan at kaginhawaan ng mga buhay. May ilang kandidato na ‘di tago ang bisyo ngunit kung makakaway sa manghahalal tila isang malinis na basahan.
Sa puntong ito, hindi minamali ang mga banggit na kandidato sa itaas dahil karapatan nito ang mahalal at maghalal ng sino mang napupusuan higit ng nakararami. Hindi kailanman sasabihin na mali ang dahilang pagbebenta’t pagpapakilala dahil bahagi ng nakamtang demokrasya sa EDSA People Power ang pinalalakas na partisipasyon ng mamamayan. Ang layon na magserbisyo sa tao’y isang mataas na adhika at mapalad ng sino mang iniluluklok. Sa kabilang banda, kalakip ng ihahalal ang kasaganahan ng buhay na tinatamasa ng mga politiko, tama ba ito Inday Siba? Sa totoo lang, walang pinipili kung sino ang may ibig na magserbisyo sa bayan at bahala na si Batman kung papalarin na binabasbasan ng manghahalal.
Sa kung sino ang papalarin sa halalan, ang manghahalal ang magsasabi sa kung sinu-sino ang ibig na magbisyo este serbisyo sa kanila. Sa kung sino o anong serbisyo ang ibig ng nakararami, ang siyang umiiral at magaganap. Hindi sisilipan ng mali ang mga kandidato ngunit kailangan maipabatid sa manghahalal na piliin ang karapat dapat at tapat sa serbisyong bayan. At nang masiguro na may tamang aanihin sa susunod na mga panahon. At kung kamalian ang kalalabasan ng pasya, papasanin ang hirap ng buhay sa darating na panahon dahil naniniwala sa lilo at huwad na serbisyo.
Sa pagsusuri, napansin na marami sa mga tumatakbo sa halalang pambarangay ay mga tauhan ng mga politikong bayan. Marami sa mga tumatakbo ang karaniwang kasa-kasama ng mga lider-lokal ng bayan o ng lalawigan. Sa totoo lang, karaniwan ang nagpatutsadahan na tila isang “proxy election” ang nagaganap sa antas ng halalan ng mga barangay. O’ isa nang paghahanda sa mga nag-aambisyon sa ’25. Ang masakit, karamihan sa mga tumatakbo sa halalang pambarangay ay dating magkakaibigan ngunit nahahati dahil sa laban ng mga taong mapanlilo.
Sa totoo lang, mapapansin ang pagkakahati maging sa antas ng mga manghahalal dahil sa bigayan o alisan sa mga listahan na bibigyan ng biyaya kuno. Nawawala ang ngalan ng sino mang batid na sumusuporta sa kalaban. Tunay na walang permanente sa politika kundi ang sariling interes. Ngunit kapansin pansin pagtatayo o pagbuo ng mga samahan upang makalapit sa mga lider-pulitiko para sa proyekto. Nariyan ang maliit na grupo na nakipag-alyansa sa malaking samahan ng dumami ang bilang ng kasapi para sa mas malaking ayuda mula sa politiko sa lokal at maging sa pambansa. Sa kaayusan nabangit, kita ang pagkakamali ng bayan na umaasa sa pangakong tulong mula sa mga pulitiko. At sa totoo lang, pansarili ang isinusulong ng sino mang politiko at ‘di tunay na serbisyo.
Sa totoo lang, maraming mga samahan sa bansa na ginagamit ang pag-aalyansa upang isulong ang mga pansariling interes sa halalan upang makaupo sa kongreso bilang partylist. At kung mahalal, ang kasapian ng samaha’y tila may pribilehiyo na ‘di makikita sa karaniwang mamamayan. Ginagamit ang organisasyon upang hindi masita sa ‘di pagsunod sa ilang batas na dapat sundin na ipinatutupad sa bayan. Mapalad ang mga grupong binabasbasan ng bayan, tulad ng mga partylist. Ngunit ‘di si Mang Juan na lugmok na sa kahirapan madalas pang mapagtripan.
Sa usaping halalan, kita na ang kamalia’y nasa kamay ng mga manghahalal dahil iniluloklok ang mga taong nakasama lang ng kakilala, pwede na pwestong asam kahit bantad ang kalokohan sa katawan. Ang pagtakbo sa ibig na pwesto’y upang mapatatag ng pagkapit sa patrong politiko na ‘di masaling sa lugar na pinaghaharian. At kung manalo, umasa na ang pagpayagpag ng yabang sa pamayanan na tila siya ang may kakayanan. Mapapansin ang pagbabago sa kilos higit sa pakikipag-usap na kayang gawin ang lahat dahil lumakas ang kapit sa patrong lider-politika.
Sa totoo lang, nasa manghahalal lumalabas ang uri ng lider na kumakatawan sa nakararaming Pinoy. Ang pagsulong ng mga manghahalal ng sariling layon ang dahilan kung bakit ang mga lider politika’y ‘inuuna ang sarili sa halip na serbisyo. Hindi mapapasubalian na matalas ang pakiramdam ng lider-pulitika higit sa kaperahan ang usapan. Nang marating ang pwestong tangan tapos na ang usapan sa baba ng lipunan ngunit ‘di ng kasakiman. Ang kasalukuyan gawain ng mga nasa kapangyarihan ay anihin ang mga panlilong itinanim para sa mas malaking ambisyon sa kinabukasan. Kita ang ugat ng pagkakamali ng bayan, nasa kamay ng manghahalal na ang ibig ay naserbisyohan ng tapat na walang katapat. Ngunit sa totoo, ang maiangat ang sarili sa iba ‘di bale na ang tamang serbisyo kay Mang Juan .
Maraming Salamat po!!!