Advertisers
INANUNSYO ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang multa para sa paglabag sa exclusive city bus lane/bus carousel lane regulation sa kahabaan ng EDSA ay malapit nang tumaas dahil napansin ng ahensya na paulit-ulit na binabalewala ng mga pribadong sasakyan ang mga patakaran.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty.Don Artes na maraming maling driver ng pribadong sasakyan, motorcycle riders, at iba pang motor vehicles na patuloy na gumagamit ng exclusive bus lane sa kabila ng palagiang babala at paalala. Ang bus carousel lane ay para sa eksklusibong paggamit ng mga Public Utility Bus, ambulansya, at may markang sasakyan ng pamahalaan na tumutugon sa mga emerhensiya.
Ayon kay Artes, upang magsilbing deterrent ay nagpasya ang MMDA, sa pamamagitan ng Metro Manila Council, na taasan ang itinakdang multa at magpataw ng kaukulang suspensiyon ng driver’s license depende sa dalas ng paglabag.
Sa kasalukuyan, nasa P1000 ang itinakdang multa para sa paglabag sa exclusive bus lane regulation sa bawat paglabag. Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, ang tumaas na multa para sa paglabag sa exclusive city bus lane/EDSA carousel lane regulation para sa mga pampubliko at pribadong sasakyan ay:
Unang Pagkakasala – P5,000
Second Offense – P10,000 plus isang buwang suspensiyon ng driver’s license, at kinakailangang sumailalim sa road safety seminar
Third Offense – P20,000 plus isang taong suspensiyon ng driver’s license
Ikaapat na Pagkakasala – P30,000 kasama ang rekomendasyon sa Land Transportation Office para sa pagbawi ng lisensya sa pagmamaneho
Binigyang-diin din ni Artes na hindi anti-poor o money-making scheme ang pagtaas ng parusa.
“Base sa aming datos at obserbasyon, may mga handang magbayad ng P1000 na multa at lumabag sa exclusivity ng bus lane dahil kayang-kaya nila… kalimitan kotse ng mayayaman,” ani Artes
Gayunpaman, mabilis na nilinaw ng opisyal na magsasagawa muna ng information campaign ang MMDA para malaman ng publiko ang mga itinaas na multa bago ang buong pagpapatupad nito.
Samantala, nilinaw ni Artes na bagama’t inaprubahan ng MMC, hindi pa rin matukoy ang petsa ng pagpapatupad ng no window hour coding scheme.
“We will assess first the situation of Metro Manila roads from November 6 to 12, after the return of vacationers from the provinces for the Undas break. We expect 15 to 20% additional vehicle volume as the holiday nears, that’s the time we will decide whether or not to implement the 7am to 7pm number coding scheme in Metro Manila.” Dagdag ni Artes
Binigyang-diin niya na babantayan pa rin ang kasalukuyang number coding hours, na 7am hanggang 10am at 5pm hanggang 8pm. (JOJO SADIWA)