Advertisers
NADAKIP na ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang isang pintor na pumatay sa Grade 12 student nitong Lunes.
Ayon kay Caloocan City Police chief Colonel Ruben Lacuesta, agad naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Investigation and Detection Management Section ang salarin na si Rapael Jay Alison. Sinampahan na ito ng kasong murder sa piskalya.
Si Alison ang sinasabing pumukpok ng martilyo sa ulo ng biktimang si Daisy Mae Notario, 17, na pinasok niya sa bahay nito sa Sabalo St., Brgy. 12, Caloocan City.
Sinabi ni Lacuesta, kapitbahay ng biktima si Alison, at robbery ang nakikitang motibo sa krimen.
Nawawala ang ilang personal na gamit ng biktima at gamit ng pamilya ni Notario.
Natunton si Alison sa pinagtatrabahuhan nito sa Nadurata St., Brgy. 18, Caloocan City 7:30 ng gabi ng Martes.
Nakuha kay Alison ang duguang damit, wallet at ID ng biktima.
Napag-alaman kay Lacuesta na naiwan ang biktima sa kanilang bahay Lunes ng madaling araw dahil namili ng paninda ang mga magulang nito. Doon tiniyempuhan ni Alison ang panloloob.
Nagawa ni Alison na hatawin ng martilyo sa ulo ang biktima nang magising ito at magsisigaw.
Inaalam pa ng pulisya kung nasa ilalim ng impluwensiya ng iligal na droga si Alison bagama’t aminado ito na lasing siya nang isagawa ang krimen.(Beth Samson)