Advertisers

Advertisers

Gov. Helen Tan, PBGen. Paul Kenneth Lucas, “itinatara” ni Richard!

0 1,046

Advertisers

LINGID marahil sa kaalaman ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan at newly- appointed Region 4-A PNP Director BGen. Paul Kenneth Lucas, ang kanilang pangalan ay nangangalingasaw na sa pang-amoy ng mga mamamayan ng Quezon Province dahil sa kalokohan ng isang RICHARD.

Ang pangalang Richard ay sikip sa mundo ng mga kailigalan, kriminal at iba pang underworld character pagkat nagpapakilala itong opisyal ng mga operatiba ng Quezon Criminal Investigation and Detection Group Provincial Office (CIDG-PO) na nasa pamumuno ni LtCol. Jeffrey Fallar.

Ngunit sa halip na makatulong sa kampanya kontra-krimen nina LtCol. Fallar at Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte, ang taong ito (RICHARD) ay nakasisira pa sa gumaganda na sanang imahe ng kapulisan sa lalawigan.



Ang dahilan ay umiikot si RICHARD sa mga lungsod at bayan sa probinsya, hindi upang tumulong sa anti-criminality drive ng kapulisan, kundi tinatakot ang mga iligalista partikular ang mga operator ng paihi, pasingaw o buriki at mga maintainer ng pergalan (perya at sugalan), STL con-jueteng o bookies, sakla at iba pang uri ng ilegal na pasugal.

Sa kanyang pag-iikot sa mga mga kuta ng sindikato ng paihi at mga vice lord, kaladkad ni RICHARD ang mga pangalan nina Gobernador Tan at Gen. Lucas, ipinanghihingi ang dalawang government official ng lingguhang lagay o payola upang ang kanilang mga labag sa batas na negosyo ay hindi kantihin at hulihin ng Governor’s Squad, Regional Special Operation Unit (RSOU) mula sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna, CIDG-Provincial Office at maging ng Quezon Provincial Police operatives.

Ang mga nakikilan na ni RICHARD ay ang mga kapitalista ng paihi/ buriki group na sina Amigo at isang Topher, na parehong may pwesto ng magkahiwalay na burikian/paihian ng diesel, gasoline, mantika at iba pang nakaw na produkto sa Brgy. Malabanban Sur, sakop ni Candelaria Mayor Ogie Wagan at nasa ilalim ng hurisdiksyon ni LtCol. Bryan Merino.

Batay pa sa ulat ng ating police insider liban sa pagpapanakaw ng petroleum at oil product ay pusher pa ng shabu ang dalawang salot na ito (Amigo at Topher) na ang mga tagapagbenta ay ang kanilang mga tauhan. Sa wari’y walang kamalay-malay sa nagaganap na pagbuburiki at bentahan ng droga itong si LtCol. Merino sa Brgy. Malabanban Sur at sa halos buong bayan ng Candelaria na nalagom na din ng drug pushing activity nina Amigo at Topher.

May paihian/ burikian din sa Brgy. San Luis, sa munisipalidad ni Guinyangan Mayor Maria Marieden Isaac na ino-operate nina Sammy at ng itinatag nitong kunyari ay kooperatiba. Ngunit kahit nasa “tungki lamang ito ng ilong” ng kapulisan, wala namang aksyon laban dito si Guinyangan Police Chief Major Lindley Tibuc.



Tumataginting na tig Php 200,000 ang weekly intelhencia ang kinokolekta naman ni RICHARD para daw sa opisina nina Gobernador Tan at PBGen. Lucas o kabuuang Php 1 million mula sa limang STL con-jueteng operator na sina Pando ng mga bayan ng Catanauan at Sariaya; Boss Ejay sa bayan din ng Sariaya; Raymar na nag-ooperate sa mga bayan ng Tagkawayan at Isla at Banong na kumikilos kapwa sa mga munisipalidad ng General Nakar at Tiaong.

Bukod pa dito ay may nakikikil din libu-libong intelhencia si RICHARD sa tinatayang may 10 pang STL con-jueteng operator sa Lucena City.

May pitong mga pergalan maintainer din na kinokolektahan ni RICHARD kapalit ng “go signal” para makapag-operate ng mga pasugalan sa hurisdiksyon nina Gov. Tan, Quezon PNP Provincial Director Col. Monte at LtCol. Faller. Ang mga ito ay sina Panny, Mariz at Rommel na pawang may magkakahiwalay na mga peryahang pulos sugalan sa bayan ng Dolores; Otso at Toto-parehong nasa bayan ng Real; Josie sa Tayabas City at EC sa munisipalidad ng Plaridel at iba pa.

Milyones ang naipasusuka ni RICHARD sa mga vice operator kada isang lingo, kaya negatibong balita ito para sa Gobernador. Nararapat sigurong ipahanap niya (Gov. Tan) ang salot na si RICHARD na bumabalahura sa kanyang malinis na imahe, kasuhan sa korte dahil ang pananahimik ng butihing gobernadora sa katarantaduhan ng taong ito ay pagsisimulan ng duda sa kanyang katauhan bilang pinakamataas na opisyal ng Quezon Provincial Government.

Bilang top cop naman ng R4-A o CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) hindi din dapat magwalang-bahala si Gen. Lucas sa salot na nilalang na ito (RICHARD) dahil ang patuloy na pagbubulag-bulagan ng heneral sa tong activity nito ay pagpapakita ng pangungunsinte sa operasyon ng oil and petroleum product pilferage and smuggling at vice operation sa kanyang area of responsibility (AOR).

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144