Advertisers

Advertisers

Murang cooking oil sa burikian sa Quezon!

0 1,316

Advertisers

MAG-INGAT sa pagbili ng mantikang ginagamit sa pagluluto, baka ang mabili ay cooking oil na mura nga ngunit napakarumi pagkat galing sa mga paihian/patuluan/paawasan o “burikian” sa Lucena City at bayan ng Tiaong, kapwa sa Quezon Province.

Ang itinuturong may pakana at lider ng magnanakaw ng cooking oil na nagmumula sa pangunahing sampung oil mill sa Lucena City at iba pang kompanyang gumagawa nito sa Metro-Manila at Bicol Region ay isang nagngangalang Troy, na kilala din sa larangan ng kalakalan ng droga.

Nananatili pa palang pugad ng sindikato ng “buriki” ang lalawigan ng Quezon sa kabila ng utos ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan kay PNP Provincial Director Col. Ledon Monte na linisin ang lalawigan laban sa mapamerwisyong operasyon ng ilegalistang ito na sangkot sa oil and petroleum pilferage at iba pang kailegalan sa Quezon Province.



Dahil sa malaking kinikita sa mga paihian sa bahaging ito ng CALABARZON ay may “giyerang” nagaganap sa pagitan ng mga paksyon o grupo ng sindikatong ito.

May nag-ulat sa SIKRETA hinggil sa balitang binaril diumano ng di nakikilalang suspek si alyas Amigo na kilalang maintainer ng paihian ng Methanol at high grade na gasoline product na may puwesto ng paihian o burikian sa likod ng Phonex Gasoline Station sa Brgy. Malabanban Sur sa bayan ni Candelaria Mayor Ogie Suayan?

Pinag-aagawan ng mga nangangapital kung sino ang hahawak at maghahari sa pagnanakaw ng mga petroleum product tulad ng krudo, gasolina, oil product at maging ang edible at cooking oil na gamit sa pagluluto.

May dalawang puwesto ng paihian o burikian si alyas Troy na napakatagal na nitong inooperate sa Brgy. Salinas, Lucena City at Brgy. Lalig, Tiaong Quezon.

Halos lahat na mga truck driver na naglululan ng mga cooking oil na nagmumula sa ibat ibang oil mill sa Lucena City, Metro Manila at Bicol ay ipinahaharang ni Troy sa kanyang mga tauhan kaya obligadong makisama sa kanya ang mga pobreng tanker driver at pahinante na sa kalaunan ay naging mga kakutsaba na din ng sindikatong pinamumunuan ni Troy.



Sina Troy na din ang nagsu-supply ng shabu sa mga kakutsaba nitong mga cargo truck driver at truck helper at upang lalong maengganyong makipagkutsabahan sa pagnanakaw ng oil product ay nagpapautang ng pera sina Troy sa mga nabanggit na tsuper at pahinante sa usapang regular ang mga itong magsusupply ng nakaw na edible oil.

Kaya walang kamalay-malay ang management ng mga oil mill na napalulusutan sila at napagnanakawan ng sindikato dahil mayroon nang matinding kutsabahan ang mga truck driver, mga pahinante at ang sindikatong pinamumunuan ni Troy.

Ang operasyon ng cooking oil pilferage ni Troy noong bago pa lamang ay kung tawagin ay “tabas-tabas”. “Tabas-Tabas” na ang ibig sabihin ay pakonti-konting kantidad ang pinatutulo at ninanakaw na mantika mula sa mga tanker truck na naglululan ng dati ay malinis na cooking oil mula sa mga oil mill sa Lucena City, Metro Manila at Bicol Region.

Ngunit nitong dakong huli, mula sa tabas-tabas ay naging malakihan, malakasan at malakihang kantidad na ang ninanakaw nina Troy pagkat naging masulong na ang pagbebenta nito hindi lamang sa Lucena City, kundi maging sa ibat ibang pamilihan, maging sa mga groserya at mall sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan.

Kahit mura itong nabibili sa mga pamilihan ay kasama nito ang mga latak o maruruming mantika na ipinasasala lamang ni Troy sa kanyang mga alipores bago ipadeliber sa kanilang mga suking ahente.

Nagtataka ang mga KASIKRETA kung papaanong nakakapag-operate sina Troy sa Brgy. Salinas, Lucena City at Brgy. Lalig sa bayan ng Tiaong nang napakatagal na panahon na hindi man lamang nabubulabog ng kapulisan ni Quezon Provincial Director Col. Ledon Monte?

Hindi tayo naniniwala na magiging Lucena Police Chief si LtCol. Ruben Ballera kung siya ay bulag, pipi at bingi upang di nito malaman ang pinaggagagawa nina Troy sa kanyang area of responsibility (AOR).

Ang isa pang lungga ng buriki sa Quezon Province ay matatagpuan sa Brgy. San Luis na ino-operate nina Sammy at ng isang barangay tanod chief sa munisipalidad ni Guinyangan Mayor Maria Marieden Isaac ngunit wala namang aksyon laban dito si Guinyangan Police Chief Major Lindley Tibuc?

Nag-ooperate din ng STL con- jueteng sina Pando ng Catanauan at Sariaya; Boss Ejay sa bayan din ng Sariaya; Raymar sa bayan ng Tagkawayan; Isla at Banong na kumikilos kapwa sa mga munisipalidad ng General Nakar at Tiaong. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144