Advertisers
MALAPIT nang matapos ang panukalang badyet para sa taon ng 2024 na lumampas sa limang trilyong piso para sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Una nang natapos ang proseso sa Kongreso kung saan nag-ugat ang isyu sa Confidential at Intelligence Funds subalit hindi naman ito naging masyadong mainit sa ginawang proseso ng Senado.
Kanya-kanyang panukalang badyet ang isinumite ng bawat ahensiya na dumaan sa masusing pagtatanong ng mga mambabatas upang matukoy kung tama o nararapat ba ang kaukulang pondo sa mga ahensiya.
Sa huli ay magtutuos ang Kongreso at Senado para pag-usapan kung anong bersiyon ng panukalang badyet ang kanilang isasabatas sa pamamagitan ng paglagda ng Pangulo.
Ganyan ang proseso kada taon sa pagtalakay ng badyet ng gobyerno. Dumaraan sa iba’t-ibang kaisipan o opinyon ng mga mambabatas ang bawat pondo na hinihingi ng bawat ahensiya.
Subalit tila wala tayong narinig patungkol sa kung saan magmumula ang salapi o pondo upang ilaan sa mga ahensiya batay sa tinatawag na ‘General Appropriations Act’ o GAA para sa taon ng 2024.
Ewan ko lang subalit hindi ko narinig ang Department of Finance (DoF) lalo na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BoC) kung kaya nilang magkaroon ng koleksiyon ng mahigit limang trilyong piso para sa 2024.
Sana [kasi] ang inilabas muna sa publiko ay ang naging pagtataya o ‘Forecast’ sa magiging koleksiyon ng BIR at BoC kabilang na ang iba pang ahensiya ng gobyerno bago gawin ang GAA.
Ang badyet na aaprubahan ba ay batay sa magiging koleksiyon ng mga nabanggit na ahensiya? Tandaan natin na ang BIR at BoC ang pangunahing pinanggagalingan ng pondo ng gobyerno – ang buwis.
Pero kung sa kanilang kaisipan ay hindi ubrang abutin ang pondo para sa panukalang badyet na ito ay tiyak na mauuwi na naman tayo uutang ang Pinas para lamang ipangtustos sa mga ahensiya ng gobyerno. Na naman…
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com