Advertisers
Nahuli ang salarin sa isang kaso ng pagpatay nang sitahin ang isang menor de edad na rider na walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Cavite.
Sa ulat, hinarang ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang 16-anyos na salarin sa isang checkpoint sa Magallanes, Cavite para sitahin dahil wala itong suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Lumitaw din na walang plaka ang motorsiklo at walang lisensiya ang binatilyo.
Kinalaunan, napag-alam ng mga awtoridad na salarin ang menor de edad na rider sa kaso ng pagpatay ng tunay na may-ari ng motorsiklo na gamit nito.
Ayon sa pulisya, tugma ang mga dokumento sa motorsiklong gamit ng salarin, sa nawawalang motorsiklo ng biktima.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, inamin ng salarin ang nagawang krimen na nangyari noong nakaraang Oktubre.
Kainuman umano niya ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo dahil sa kalasingan. Nasakal niya ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito.
Mayroon umano siyang isang kasama na tumulong sa kaniya para ihulog sa sapa ang katawan ng biktima at tinangay nila ang motorsiklo nito.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang naarestong salarin.