Advertisers
NASAWI ang dalawang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa isang roadside bombing sa Barangay Limbo Candis, Sumisip, Basilan nitong Lunes.
Agad nasawi sa mga tama ng sharpnel sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Rit Iklaman at Ligaya Ajanal.
Isinugod naman sa pagamutan ang kanilang sugatang kasama na si Musab Balaman.
Magkahiwalay na kinumpirma ni Army Brigadier General Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade; at ng Basilan Provincial Police Office ang insidente na nagsanhi ng pagkamatay ng dalawang kasapi ng CAFGU at pagkasugat ng isa.
Ayon kay Luzon, may hinahanap na armadong grupo ang mga biktima at kasamang tropa ng 64th Infantry Battalion nang masabugan sila ng improvised explosive device (IED) na nakalagay sa gilid ng kanilang ruta.
Naniniwala ang local officials sa Sumisip at mga karatig na bayan na kagagawan ng ilang nalalabing terrorista ang pambobomba upang mapaniwala ang publiko na may kakayahan pa rin silang gumawa ng karahasan sa kabila ng pagsuko ng mahigit 400 kasapi ng Abu Sayyaf sa probinsiya nitong nakalipas na anim na taon.
Ang mga nagsisukong terrorista, sa pakiusap ng local government officials sa pamumuno ni Gov. Hadjiman Salliman, ay namumuhay na ng tahimik sa kani-kanilang mga barangay sa ibat-ibang bayan sa Basilan.