Advertisers

Advertisers

IBA TALAGA ANG ANGKING KAMANDAG NI CHAIRMAN BUNNY

0 10

Advertisers

Iba talaga umano ang angking kamandag sa katawan at katauhan ni Chairman Bunny na kung bakit hanggang sa kasalukuyan matapos ang sampung taon ay siya pa rin ang hinirang na Anti-Vending chief sa Plaza Miranda at buong area ng Quiapo.

Akala natin noong una ay kay dating YorMe Isko Moreno lang malakas itong si Chairman na kung saan siya agad ang tina-laga sa nasabing posisyon pagkaupong pagkaupo pa lang nito bilang Alkalde.

Lumipas ang panahon hanggang sa umabot sa administrasyon ni Mayora Honey Lacuna ay siya pa rin ang naka-upong OIC ng walang palitan.



Sa simpleng salita ay kung sampung taon lang ay hindi napalitan itong si Chairman Bunny sa nasabing posisyon mula sa administrasyon ni Yor-Me hanggang kay Mayora Lacuna.

Mantakin niyong sa hinaba-haba ng panahon ay siya pa rin ang hinirang na OIC sa Plaza Miranda ni Mayora Lacuna sa isang munting programang ginanap sa San Andres sports complex nito lamang lumipas na linggo.

Nagulat ang lahat ng mga panauhin na kinabibilangan ng mga staff ng Hawkers, personnel ng DPS at ng kapulisan na nakadetine sa Plaza MIranda sa ginawang pahayag ng Mayora.

Sa pahayag ng butihing Mayora, sinabi nito na wala silang dapat lapitang iba kundi si Chairman Bunny pagdating sa anumang problema sa Plaza Miranda at buong area ng Quiapo.

Ito ay nanganga-hulugan lang na ang lahat ng departamento na kinabibilangan ng Hawkers, DPS at ng kapulisan na naka-detine sa nasabing lugar ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Chairman Bunny tsk… tsk… tsk…



Di kaya maraming tao na ang nasapawan nitong si Chairman na tila magmumukha na lamang mga symbolic figure o’ di kaya’y mga rebulto at imahen sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang OIC muli.

Dito sinasabi at nararamdaman na parang ibang klaseng kamandag ang nasa katawan at katauhan nitong si Chairman na ganon na lamang paniwalain ang mga tao.

Biruin niyong lumipas na ang sampung taon at ang-palitan na ang dalawang administrasyon mula kay YorMe Isko hanggang kay Mayora Lacuna ay siya pa rin ang tinalagang OIC ng walang palitan.

Ibig bang sabihin nito ay walang ibang taong hihigit pa sa kanyang pinamalas na performance o’ baka naman ayaw lang subukan bigyan ng pagkakataon ang ibang tao.

Ganon din naman ang hina-naing ng mga vendor sa nasabing lugar na walang ibang sinasabi kundi ang palitan naman at bigyan ng pagkakataon ang iba para humawak ng Plaza Miranda.

Sawang-sawa na daw sila sa palakad ni Chairman Bunny at ng mga kolektor nito na matagal na rin namang namamayagpag. Hindi rin naman daw sila umaasenso bagkus ay lalo pang nag-hihirap.

Hindi rin anila bumababa ang tara at tumataas pa habang tumatagal. Wala rin naman daw silang magawa dahil sa lehitimong malakas ito sa administrasyon.

Dalawang bagay lang daw ang kanilang tinitingnan kung bakit hindi ito pinapalitan, ito ay malakas daw sumipsip at malaki daw ang posibilidad na malaking halaga ng tara at koleksiyon nito ang hinahatag sa administrasyon na sila-sila lang ang nagka-kaalaman.

Ganon pa man ay umaasa pa rin sila na darating din ang pagbabago sa takdang panahon at naniniwala pa rin sila na walang forever sa buhay… wait and watch lang daw muna sila.