Advertisers

Advertisers

Nagtatrabaho ba talaga ang CoA sa Romblon?

0 6

Advertisers

KUNG titingnan ng maige ang mga road project sa lalawigan ng Romblon partikukar sa Tablas island, makikita mong lahat nang ito ay depektibo, maliwanag pa sa araw na may mga katiwalian, pero paanong ito’y nakalulusot sa paghihimay ng Commission on Audit (CoA)? Hello!!!

Natalakay ko ito dahil sa trending ngayong post sa Facebook tungkol sa mga lubak na kalsada at nabubulok nang tulay sa bayan ng Sta Fe, Tablas island, Romblon.

Itong kalsada, hindi ako sigurado kung ito’y national o provincial road, sa Sta. Fe ay tila pinaglalaruan lang ang paggawa. Putol-putol ang pagsemento, tapos bitak-bitak at lubak-lubak pa lalo sa bahagi ng Barangay Mat-i hanggang Barangay Pandan, na siyang pinagkakaguluhan ngayon ng mga Santafenhon sa social media.



Nagtataka ang mga mamamayan rito kung bakit hindi maayos-ayos ang main road na ito, habang napakaraming kalsadang ginagawa sa kabundukan na kung tawagin nila ay “Cross Country Road”, na ginastusan ng gobyerno ng bilyones gayung halos wala naman itong gamit, hindi nadadaanan, o iilan lang ang nakakadaan na sasakyan, SUVs lang, dahil napakatatarik at nagkaroon na ng mga sapa-sapa sa gitna gawa ng mga pag-ulan. Pero hindi manlang ito nasilip ng CoA!

Hanggang ngayon ay patuloy ang mga paggawa ng kalsada sa kabundukan ng Tablas. Kontrata ng Sunwest na pag-aari ni Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, ang chairman ng House Committee on Appropriations. Pero itinatanggi ni Co na bahagi pa siya ng Sunwest. Ehem!!!

Dahil nga sa mga depektibong proyektong ito, hindi maiwasan batikusin ng mga lokal ang tandem nina Gobernador Otik Riano at Congressman “Budoy” Madrona. Puros lang daw pangako kapag eleksyon pero ‘pag nakaupo na uli ay dedma na ang pagpaayos sa naturang mga kalsada at tulay.

Hindi tayo kontra sa mga ginagawang kalsada sa kabundukan kung ito’y bahagi ng pag-unlad ng probinsiya, Gov. Riano at Cong Madrona, pero makabubuting unahin ayusin ang provincial o national roads na mismong daanan ng lahat sa araw araw na ginawa ng Diyos. Mismo!

Sabi pa ng netizens, hindi puedeng irason nina Riano at Madrona na walang budget ang naturang mga sira-sirang kalsada, kasi nga patuloy ang paggawa ng mga kalsadang walang gamit sa kabukiran, tapos ang sa main roads ay pinababayaan. Mismo!



Ipinunto pa ng netizens na kung walang budget sa pagpagawa sa naturang mga kalsada at tulay, bakit kapag eleksiyon ay bumubuhos ang kanilang kuwarta!? Araguy!!!

May advise rin tayo kay Gov. Riano: Gov. puede ba mag-ikot-ikot karin sa buong Tablas para makita mo ang kondisyon ng mga kalsada at tulay kung okey pa o kailangan nang ayusin, hindi yung tuwing eleksiyon ka lang umiikot. Just do it!

Para naman sa mga mamamayan ng Tablas, laging nasa inyong mga kamay ang kinabukasan ng isla. Kung alam ninyong depektibo ang politiko, sipain n’yo pagsapit ng eleksyon. I-zero vote ninyo kahit binili ang boto n’yo. Mismo!

At sa CoA, puede ba i-audit n’yo naman ang mga proyekto sa Romblon!!! Ayaw naming pagdudahan ang inyong kridibilidad, CoA kayo eh. Pero nag-iisip na kami…