Advertisers

Advertisers

SINO MAN SILA

0 31

Advertisers

LUMAYA na ang taong dumanas ng pagmamalabis ng dating pamahalaan sa mga gawa-gawang akusasyon, kaso, paratang at kung anu-anong pangyuyurak sa pagkatao. Subalit, hindi nawala ang tiwala ng dating Kalihim, Senador na hindi matatakpan ng milyon milyong kasinungalingan ang isang tama. Lalabas ang katotohanan dahil babaeng may tangan sa timbangan ng katarungan ay ramdam na mabigat ang isang tama kontra sa milyong kasinungalingan. Kasinungalingan na may lakip ng kapangyarihan na nagtulak sa iilang saksi na lumagda sa mga sanaysay na nagdiin kuno sa kinaiinisan ng among taga kaTimugan.

Sa pagbaba sa poder ng kapangyarihan ng pangulong palamura, arogante at may kabobohan, ‘di mapigil ang paghina dahil sa paglaya ni D5 na sadyang kinatatakutan dahil sa batid na kagalingan kahit ng dating senadora kahit ng ito’y nag-aaral ng abogasya sa pamantasan na pinagtapusan. Sa kawalan ng laman ng sakdal na iniharap, napawalang sala at sa huli pinayagang mag piyansa para sa kalayaan.

Mahalaga sa kasaysayan ng hudikatura ang nakamit na kalayaan ni D5 sa kadahilanan na nakamit ang hanap na katarungan sa patas na paraan mula sa hukom na dumidinig sa usaping kinakaharap. At may susundang hatol ang mga susunod na hukom sa kapareho o katulad na usaping kinakaharap sa darating na panahon. Sa kabilang banda, maaaring maghain ng panukalang batas ang lehislatura na magpaparusa sa sino man na ginagamit ang kaalaman sa batas upang gipitin ang kapwa sa gawa-gawang usapin. Tunay na ‘di dapat isuko ang tamang gawa higit kung batid na may pang-aabuso sa paggamit ng kapangyarihan tangan.



Ang pagbibigay daan sa kahilingan ng nasa poder na dahilan sa pagkakapiit ng taong walang sala’y dapat pagbayaran kung sino ang may kinalaman. At sa paggawad ng tamang hustisya ang siyang pairalin sa ano mang panahon. Huwag gamitin instrumento ang kaalaman sa batas sa panggigipit ng kapwa higit sa walang sala at baka abutin ng karma sa oras ng pagbaba.

Sa mga nakalipas na linggo, kapansin pansin ang palitan ng mga pahayag ni Totoy Osla, Inday Siba at Haring Shokey hinggil sa pagtutol sa resolusyon mula sa Kongreso na iminungkahi kay Boy Pektus na hayaan ang International Criminal Court na ipagpatuloy ang pag-uusisa sa mga naganap na Extra Judicial Killings sa panahon ng dating pamahalaan. Nariyan ang pagbabangit ng mga nagpahayag na sala sa Saligang Batas ng bansa kung hahayaang pumasok ang ICC upang ipagpatuloy ang pag-uusisa. Alumpihit at hindi kampante si Totoy Osla sa kilos na gawa ng kamara at higit ang kawalan ng kilos ni Boy Pektus upang pigilan ang resolusyon. At dito nagsanga ang pangamba na hindi pipigilan ng kasalukuyang liderato ang nalalapit na pagpasok ng ICC upang ipagpatuloy ang nasimulan pag-uusisa. Tandaan na dalawang ulit na umapila ang mga abogado ng bansa ngunit ‘di nakakuha ng positibong resulta na nagbigay daan upang bumitiw ang bansa sa kasapian ng ICC.

Sa pagbasura ng mga apila ng mga abogadong Pinoy sa ICC, inilipat ang laro sa larangan ng pulitika at legalidad pambansa na pilit na ibig pagyakap sa kasalukuyang pamahalaan. Ginigipit si Boy Pektus na ‘di dapat payagan na ipagpatuloy ang pag-uusisa sa usapin ng EJK dahil bumitiw na ang bansa bilang kasapi ng nasabing korte. Sa pagbitiw ng bansa sa ICC, ibig palabasin higit ng abogadong si Haring Shokey na nawalan na ang karapatan ng nasabing grupo na ipagpatuloy ang pag-uusisa. Sa pagpasok ng resolusyon ng Kamara tila nagpanic ang IDG kung paano sasagkain ang resolusyon at itinuturo ang paglabag sa saligang batas. At tila nakalimutan na nagpahayag na ang Korte Suprema na may saligan ang gagawing pag-uusisa ng ICC. Ngunit nagpatuloy sa pahayag ang IDG na may paglabag sa saligang batas ng bansa kung magpapatuloy ang pagpayag sa gagawing pag-uusisa. Nakikitang ‘di malayo na hihingi si Totoy Osla ng oras upang makausap si Boy Pektus at masabing huwag payagan ang pag-uusisa ng ICC hinggil sa EJK.

Kapansin pansin na ‘di pumapabor sa IDG ang malamig na panahon dahil pinainit at pinaakyat ang usapin sa Kamara, sa Resolusyon hinain ni Sen. Risa Hontiveros na makipagtulungan ang tao sa Balite ng Malacanan sa pagpasok ng ICC upang usisain ang mga paglabag sa mga karapatang pantao na naganap sa panahon ng pamamahala ni Totoy Osla. Malakas ang dating ng kahilingan higit galing sa isang halal na senador. Hindi man magpahayag ang tao sa Balite ng Malacanan nakikinita na magkakaroon ng kaganapan ang nakikitang multo ng kaTimugan. Sa totoo lang sino ba sila, upang bigyan ng espesyal na trato ganong batid ni Mang Juan at ng bayan ang pagkairita ni Totoy Osla kay Boy Pektus bago at pagkatapos ng halalan. Sorry you’re the weakest link.

Tunay na ang salang paggamit sa kapangyarihang iniatang ng bayan ang ugat sa kinakaharap na bangungot ng dating pamahalaan. Ang pagkalason sa kapangyarihan ang nagdala sa mga bopols ng kaTimugan sa usapin kinakaharap. Ang kaarogantehan, kapurulan ng kukote sa pagpapatakbo ng bansa ang dahilan ng kinatatakutan sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang larawan nakita sa katauhan ng dating senadora ng ito’y nakapiit tila ang iniiwasan na ‘di kahantungan ng dating matikas na lider na ngayo’y sumakay na sa upuang de gulong. Hindi matangap sa sarili kung bakit sasapitin ang pagkapiit gayong naging astang hari sa isang panahon sa buhay. Ngunit kapurulan ng kokote ang itinanim, ayon sa piitan ang sasapitin.



Sa IDG, kung tunay na walang sala, higit si Totoy Osla at Inday Siba maging kampante at tumayo ng may dignidad, harapin ang sakdal na ihaharap. Hindi mababaliko ang matuwid kung tama ang tindig. Sa pagtindig sa katarungan ang inaasahan na gagawin ni Totoy Osla maging ni Inday Siba ngunit mapangatawanan kaya. Bilang mga abogado, batid ang sasapitin sa kasinungalingang karga kaya ang pagtutol ay abot langit. Tunay na matutunaw ang kinabukasan ng kaTimugan dahil multo ng nakaraan ang lilipad sa paligid upang ipaalam ang sinapit sa kamay ng mapagmalabis. Ang sariling karanasan ang tindig na dala ni LayaD5 para sa katarungan ng mga nasawi sa bigong laban sa droga. Ang sinapit na pagkakapiit na muntik ikasawi sa takas na pinutulan ng hininga ang tunay na tatak ng kaTimugan higit ng IDG. Pero ngayon, sino ba sila?

Sa huli ang magtanim ng kabutihan parangal ang kalalabasan. At karsel ang para sa taong mapag-imbot na pinaikutan ang katarungan, sino man sila?

Maraming Salamat po!!!