Advertisers
NITONG nakaraang Sabado ay naglabas ng pahayag ang kampo ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kung saan ay nanawagan siya sa lahat ng mga bagong halal na opisyal ng mga barangay na iwasan ang pamumulitika at sa halip ay unahin ang kapakanan ng kanilang mga pamayananan.
Sinabi rin ni Abalos na hangga’t maaari ay huwag na munang tanggalin ng mga bagong halal na opisyal ang mga barangay worker na kwalipikado naman at may sapat na kakayahan para magampanan ang kanilang tungkulin.
Partikular niyang tinukoy ang mga health worker, nutrition scholar, at mga barangay tanod na maayos namang nagtatrabaho, para aniya hindi mahinto ang mga nasimulang programa at proyekto ng kanilang pinalitang administrasyon.
“I am pleading sa ating mga bagong kapitan ngayon na hangga’t maaari sana ay yakapin natin lahat [barangay personnel] including the continuity of good programs and projects. To do this, of course, you need good people to continue these services,” sabi niya.
Ipinaliwanag din niya na dapat mauna sa layunin ng mga bagong halal na opisyal ng barangay ang paglilingkod sa kanilang mga pamayanan at hindi gantihan.
Dapat aniyang makumbinsi ng mga bagong lider ang kanilang mga nasasakupan na wala silang ibang hangad kundi ang kanilang kapakanan at wala siyang panahon sa benggahan.
“Hindi po ito panahon ng gantihan,” pagdidiin pa niya.
Bilang dating mayor na matagal na nagsilbi sa Mandaluyong City, alam ni Sec. Abalos ang kaniyang sinasabi, at alam din niya nang nangyayari sa mga barangay pagkatapos ng halalan.
Tiyak niya na maoobliga ang mga bagong lider na tumanaw ng utang loob sa mga tumulong sa kanya para maihalal.
Pero para kay Abalos ay dapat mangibabaw ang interes ng kanilang komunidad bago ang pansariling kapakanan.
Ginawa niyang halimbawa ang mga barangay health worker at mga nutrition scholar na aniya ay dumaan na sa maraming pagsasanay para magampanan ang kanilang trabaho.
Malaki aniya ang maitutulong ng mga ito para labanan ang malnutrisyon at pagkabansot ng mga bata sa kanilang mga komunidad, katulad na rin ng naging karanasan nila noong mayor siya ng Mandaluyong City.
Sa madaling salita, tama naman si Sec. Abalos sa kanyang panawagan na kalimutan ng mga bagong lider ang pulitika at benggansa, at sa halip ay unahin nila ang interes at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Abangan!