Advertisers
Noong Martes ay inilabas ng Korte Suprema ang listahan ng mga nagtagumpay sa bar exams.
3,812 ang pumasa sa kumuhang 10, 387 o 36.77% na passing rate.
Kasama sa talaan ng mga bagong attorney ay ang singer na si Jimmy Bondoc.
Nagtatanong ngayon si Pepeng Kirat kung mayroon din bang player na naging abogado.
Nagkaroon nga ba?
Oo naman. Ang natatandaan natin ay sina Ambrosio Padilla at Domingo Celis Jr.
Si Padilla ay Olympian at ilang beses din naging national player na kumatawan sa Pinas sa ibang palaro.
Nag-aral siya sa ADMU, UP at UST. Nag law proper sa Ateneo, nagmasters sa State U at doctorate sa Pontifical University. No 3 pa siya sa list ng mga topnotcher noong 1935.
Naging pinuno rin siya ng Basketball Association of the Philippines (BAP) at Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF).
Nagsilbing senator ang tubong Pangasinan mula 1957 hanggang 1972 nang isarado ang Kongreso ni Marcos pagkadeklara ng martial law. Kasapi siya ng Liberal Party at umaktong Senate Minority Leader sa Upper House.
Huling puwesto niya sa gobyerno ay bilang vice-chairman ng 1986 Constitutional Commission nang panahon ni Tita Cory Aquino.
Anak niya sina Alexander na naging head ng PhilHealth at Frank na founder ng Couples for Christ.
Sumakabilang buhay siya noong ika-11 ng Agosto, 1996.
Si Celis naman at taga-UE at nag-uniporme para sa Yco at Crispa.
Asawa niya ang sports columnist na si Beth at supling nila ang cager at assistant coach na si Raymond.
Matagal din si Jun C nagtrabaho sa Bureau of Customs.
Pumanaw siya noong kasagsagan ng pandemya.
May isang siklista rin na naging manananggol sa katauhan ni Cornelio Padilla Jt.
Naging back to back na kampeon ng Tour of Luzon noong 60s at ginamit ang naipong mga premyo upang makapag-aral ng abogasya. Tapos naging race organizer din si Paddy at tumulong sa asosasyon ng mga kasamahan sa paboritong sport.
***
25, 192 katao ang sumaksi sa pagpana ng DLSU sa UAAP basketball crown noong Miyerkules sa Araneta Coliseum. Sinira nito ang siyam na taong crowd attendance record ng sagupaang NU-FEU.
Nakoronahan si Coach Topex Robinson sa unang subok niya sa liga. Hindi siya nagwagi sa Lyceum sa NCAA at Converge sa PBA.
Kung mahusay si Goldwyn Monteverde mag-mentor sa UP ay naisahan siya ng dating pointguard sa PBA sa kanilang unang pagtutuos.
***
Mismong ang NBA ang nag-isyu ng pagliliwanag hinggil sa kontrobersyal na panalo ng Lakers kontra sa Suns sa kanilang quarterfinals game noong Huwebes.
Una hindi raw foul ang pagka-bump ni Devin Booker kay Austin Reeves sa huling pitong segundo.
Nakatawag daw ng time-out si LeBron James habang may ball possession pa si Reeves sa parehong play bago nawala ang bola.
Pero inamin nilang dapat ay pumito ang mga reperi nang na-foul sina LeBron James, Reaves at Anthony Davis sa last two minutes ng laban na posibleng nagresulta ng made free throws para sa Lakers.