Advertisers
Natagpuang patay ang isang lalaki sa ilalim ng Delpan Bridge sa bahagi ng Baseco Compound Port Area, sa Maynila nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ng Baseco Police Station, 9:00 ng umaga nang makita ng isang barangay tanod ang bangkay na palutang-lutang sa Pasig River.
“It turns out ay male person around 30 to 40 years old po. Natakpan po siya ng waterlily po, nakadapa siya. Siguro 3 to 5 days na ito,” ayon kay PLtCol. Emmanuel Gomez, commander ng Baseco Police Station.
Agad rumesponde ang mga awtoridad para pagtulungan na maiangat ang bangkay ng lalaki na walang suot na pang itaas at naka-itim na shorts.
Base sa initial physical examination ng mga pulis, wala namang nakitang senyales na sinaksak, binaril o nagtamo ito ng kahit anong sugat pero nasa decomposing stage o bloated na ang katawan nito.
“‘Yung tao, until now po wala pang pagkakakilanlan. The only marking that we were able to observe ‘yung meron ditong parang tribal na puso (tattoo) sa arm niya,” sabi ni PLtCol. Gomez.
“The expert can only determine the cause of death through autopsy po,” dagdag niya.
Nananawagan naman ang pulisya sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may makuhang impormasyon tungkol sa lalaki para maihatid ang mga labi nito sa kanyang pamilya. (Jocelyn Domenden)