Advertisers
HINDI inakala ng dalawang estudyante na huling Christmas party na nila ang dinaluhan sa kanilang paaralan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Cebu city.
Dead-on-the-spot sina Almaveth Marquez, 18 anyos, driver ng motorsiklo, taga-Brgy. Yati, Liloan; at 16-anyos na taga-Barangay Pulpogan, kapwa estudyante ng Pulpogan National High School.
Sa report ng Consolacion Police Station, 7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa barangay road ng Garing, Consolacion, Cebu City.
Ayon kay Police Staff Sgt. Roel Aquino, may hawak ng kaso, galing sa kanilang Christmas party ang mga biktima kasama ang apat pa nilang kaklase na magkaka-angkas sa motorsiklo.
Rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala ang mga biktima sa Eversley Childs Sanitarium and General Hospital, Mandaue City, subali’t idineklarang patay sina Marquez at ang menor de edad sanhi ng matinding sugat na tinamo sa ulo at katawan.