Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA lahat ng naging leading men niya, pinaka-kampante si Vilma Santos sa pakikipagtrabaho kay Christopher de Leon.
Ayon kay Vilma, nagkatrabaho na sila ni Yetbo sa 25 movies in the past.
Swak ding masasabi ang kanilang tandem dahil tumabo sa takilya ang lahat ng kanilang pelikula.
Ito ay kahit sa tagal ng kanilang pagsasama ay walang nabuong romansa sa kanila.
Dagdag pa niya, kabisado na raw nila ang isa’t isa kaya swak ang kanilang chemistry.
Kumbaga, nagtutulungan daw talaga sila ni Yetbo sa kanilang mga kolaborasyon.
Huling nagsama ang dalawa sa pelikulang ”Mano Po III: My Love” noong 2004 samantalang last movie naman ng Star For All Seasons noong 2016 ang Star Cinema movie na “Everything About Her” bago pa siya sumalang sa politics.
Sa kanilang reunion movie, naisip daw nilang gumawa ng feel-good movie na light lang kumpara sa mga drama movies na kanilang pinagtambalan for a change.
Balik-tambalan ang formidable love team sa MMFF entry na “When I Met You in Tokyo.”
“Ang target namin dito is more of a feel-good movie. Sa hirap ng panahon ngayon, mahirap ang masyadong mabigat. May previous kaming movies ni Yetbo na mabigat. Ngayon sabi nila pang-award ito. It’s not the award eh. It’s for the people to fall in love with the movie so that they will enjoy watching it,” ani Vilma.
Siya rin daw ang nag-engganyo kay Boyet na maging associate director ng pelikula.
“My last movie was ‘Everything About Her’. I told Yetbo you need to motivate me to be the associate director. Of course Direk Rado (Peru) and Direk Rommel (Penesa) are there, they’re very good pero iba syempre pag si Yetbo ang nagmo-motivate. Mabalik ko lang ba. Matagal din kasi ako nagpahinga. It’s no joke being a public servant. I am thankful that Yetbo guided me,” pahayag ni Vilma.
Itinuturing din ni Vilma na ‘lucky charm’ niya si Christopher dahil bukod sa box office hits ang kanilang mga pelikula ay nanalo ang mga ito ng awards sa iba’t ibang award giving bodies.
Palabas na simula sa Disyembre 25, Araw ng Pasko, ang “When I Met You In Tokyo” ay unang tambalan din ng Gen Z love team nina Darren Espanto at Cassy Legaspi o CassRen.
Mula sa produksyon ng JG Productions, tampok din sa cast sina Gina Alajar, Lotlot De Leon, Kakai Bautista, Gabby Eigenmann, Tirso Cruz III, Lynn Cruz, at John Gabriel.
Ang feel-good movie ng taon ay mula sa direksyon nina Rommel Penasa at Radu Peru from the script of Suzette Doctolero.