Advertisers
IBINUNYAG ng isang netizen ang umano’y ‘modus operandi’ ng ilang taxi driver at security guards nang magreklamo sa kanila ang isang grupo ng Taiwanese tourists hinggil sa paniningil ng ‘overpricing’ sa isang sasakyan na maghahatid sa huli mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 patungong terminal 4.
Ayon sa reklamo ng isang netizen na alyas “Mery-ann Falsario’, na ibinahagi ng kanyang bf mula sa Cebu,Bohol at Boracay Island FB group para sa Taiwanese tourists, dapat na managot at makulong ang guwardya at taxi driver na nanloko sa grupo ng mga dayuhan kung saan ay pinayuhan sila ng ‘mali’ na walang shuttle bus na dumadaan patungong Terminal 4.
Sa halip na tulungan ng guwardya ang mga turista ay tinuro niya ang isang lugar kung saan nandoon ang isang taxi driver na nakasuot ng pulang damit na umano’y kabilang sa kanilang ‘modus operandi’ sa sindikato.
Base sa reklamo, nagdemand ng ‘exorbitant fare’ na P 10,000 pesos (per person) ang driver at bago pa makalabas sa loob ng sasakyan ang nabiglang turista ay nai-lock na ng driver ang pinto ng sasakyan kaya nagkaroon ng negosasyon na nagtapos sa halagang P 5,000.00.
Ang halagang binayad sa taxi driver ay mula sa NAIA terminal 3 hanggang terminal 4.
Ang ginawang pagbunyag ng netizen sa ‘modus operandi’ na ito ng taxi driver at guwardya sa airport na naranasan ng ilang turista ay upang maging babala o ‘kuwento ng pag-iingat’ sa ibang pasahero na makatutulong sa kanila para makakuha ng tamang impormasyon at unahin ang kanilang kaligtasan sa paglalakbay. (JOJO SADIWA)