Advertisers
HANGGANG ngayon ay patuloy pa rin ang ilegal na pagpasok at pagbebenta ng mga ukay-ukay at kalat na kalat sa buong bansa.
Lantaran ang pagbebenta ng ukay-ukay sa mga bangketa, maliliit na establisimyento, at kahit sa malalaking shopping malls, at patuloy pa sa pagdami.
Marami kasi ang tumatangkilik, kasi mura na, at primera klase pa, kasi nga’y ‘imported at stateside,’ at branded pa ang mga gamit na nabibili sa ukay-ukay store.
Pero kung lalaliman ang pagtingin sa yumayabong na negosyong ito, ano ba ang implikasyon sa lokal na industriya sa banda.
Papatayin, kungdi pa namamatay, ang mga lokal na tagagawa ng damit, sapatos, at iba pang gawang sariling atin.
Libo-libong Pinoy workers ang mawawalan ng hanapbuhay, pati na rin ang lokal na tagagawa ng tela at balat para sa sapatos at mga kauri, at kung walang ilalaman sa tiyan, ano ang posibleng ibunga: krimen at kaguluhan.
Kungdi alam ng mga lokal na pamahalaan na ibinabawal ang negosyong ukay-ukay, dapat nang itigil ang pagbibigay ng lisensya at mayor’s permit sa ilegal na negosyong ito.
Sa kuwestiyong mapanganib sa kalusugan ang ukay-ukay, parang walang opisyal na pahayag ang Department of Health.
Dahil kontrabando ang ukay-ukay, bilyon-bilyong pisong buwis ang nawawala sa gobyerno, at ang tiyak na tiyak pa: marami nang multi-milyonaryo sa kontrabandong ito.
Bakit hindi mapigil ang ukay-ukay ismagling?
Madaling sagutin: May kawatang kasabwat sa BoC ang mga ismagler ng ukay-ukay.
At dahil sa kahirapan, patuloy na yumayabong ang negosyong ito, sa kapinsalaan ng mga lokal na negosyo.
Hindi na magpapayo ang inyong lingkod kung paano “papatayin” ang ukay-ukay ismagling at iba pang kontrabando.
Ang ating hinihintay sa BoC ay wakasan na ang negosyong ukay-ukay, piryud!
***
May iba lang salitang pwedeng ikapit sa salitang “Envy” — ito ay ang selos o paninibugho.
“Envy or inggitan ay madalas na nangyayari sa loob ng isang opisina — na ang iba naman ay hindi ito pinapansin o kung napapansin man, nananahimik sa kagustuhang ayaw mapasali sa gulo.
Sabi ng diksiyonaryo, Envy is a painful and resentful awareness of a benefit enjoyed by another, joined with a desire to possess the same advantage.
Totoo namang may mga kaopisina na mas tumatanggap ng maraming benepisyo o pribilehiyo kaya ang resulta, inggitan, selosan at minsan ay humahantong sa siraan at away.
Pakiramdam ng isa: siya ay mas dapat na mabigyan ng pribilehiyo, pero bakit ang isang hindi naman gaanong maalam o produktibo sa trabaho, siya ang mas “close” o paborito ng boss.
Maririnig ito: kasi si ganoon o si ganito ay “malakas” o “sipsip” sa mga amo.
Pero naitatanong ba natin sa ating sarili: bakit nga ba siya o ang kasama ay mas pinapaboran, at hindi tayo?
Mas kaya ba nating gawin ang trabaho niya, … mas magaling ba tayo sa kasamang mas paborito ni Boss?
Ang masamang epekto ng inggit o selos o panibugho sa loob ng opisina ay ito: ang dati ay masayang samahan, ang maayos na pagtutulungan sa gawain ay napapalitan ng pagkimkim ng sama ng loob, at ang epekto: nasisira ang magandang trabaho sa opisina.
Nangyayari ay naghahanap ng maisisira o ginagawan ang isang kinainggitan ng mali-maling tsismis sa layuning sirain ang kredibilidad nito at kainisan o kagalitan ng amo.
Alisin na natin ang masamang ugaling inggitan at paninira sa kapwa pagkat hindi ito nakatutulong sa maayos na pagtatrabaho at ang nangyayari, ang inaasahang ikagaganda ng opisina ay nasasakripisyo.
Iwasan na ang masamang ugali na maging maaangas o mapanira sa kapwa.
Dapat ay isaisip lagi: kung sama-sama at nagkakaisa, ang mabigat na pasanin ay gagaang, at ang mahirap na gawain ay magiging madali kung magtutulungan.
Sabi nga: “Trabaho Lang Walang Personalan”!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.