Advertisers
KUNG nagpapabaya man sa kani-kanilang tungkulin ang mga provincial director ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ay hindi sila dapat tularan ng kanilang mga counterpart na provincial officer sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na walang aksyon laban sa mga inirereklamong permanente o puesto pijo na mga gambling den sa CALABARZON area na ugat ng pagtaas ng kriminalidad sa mga nabanggit na lalawigan.
Hindi matatawaran ang kakayahan nina Cavite PD Col. Elieuterio Ricardo Jr.; Quezon PD Col. Ledon Monte; Laguna PD Col. Harold Depositar at Rizal PD Col. Felipe Marraggun na maaring dahil sa kanilang pagiging abala ay nakatutok ang kanilang pansin sa ibang aspeto ng trabaho kaya’t hindi karakang naaksyunan ang mga inirereklamong vice den sa kanilang area of responsibility (AOR). Bigyan sila ng pagkakataong patunayan na mali ang paratang ng kanilang mga kritiko na sila ay mga “inutil”?
Dapat namang ipakita ng limang provincial officer ng CIDG na kinabibilangan nina Batangas Provincial Officer Lt. Col. Victor Sobrepena, Quezon Provincial Officer LtCol. Jeffrey Fallar, Cavite Provincial Officer LtCol. Bryan Andulan, Laguna Provincial Officer LtCol. Romulo Dimaya at Rizal Provincial Officer Major Leopoldo Cajipe na hindi sila inutil tulad ng mga usap-usapan sa malaganap na vice operation at iba pang uri ng krimen sa kanilang hurisdiksyon.
Patunayan nila na hindi sila nangungunsinte o nagbibigay ng proteksyon sa tulad ng ala-casino na pasugalan ng isang Glenda sa Brgy. Santiago sa bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes at Brgy. Pinagtong-olan ni Lipa City Mayor Eric Africa, kapwa sa lalawigan ng Batangas; ni Francia sa Maharlika Highway sa tapat ng Manuel Enverga S. University Foundation (MESUF) sa bayan ni Mayor George Suayan at ng mag-asawang Boy Life at Eve sa Riverside, Brgy. San Jose sa bayan ni Montalban Rizal Mayor Ronnie Evangelista.
Mahigit sa isang taon nang nag-ooperate ng pasugalang may shabuhan at putahan sa bayan ng Malvar si Glenda habang may anim na buwan namang tumatakbo ang kapareho nitong gambling joint sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City, ngunit walang aksyon dito sina Malvar Police Chief Capt. Nemecio Calipjo at Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal.
May mga iba pang gambling den na ginagamit na front sa bentahan ng droga sa lalawigan ni Batangas Governor Hermilando Mandanas, ang mga ito ay matatagpuan sa Brgy. Camastilisan, Calaca at Brgy. Tulo sa Taal kapwa minamantine ng isang alyas Wacky Bakla; Brgy. Sabang, Lipa City na pinatatakbo ni Jayson Bakla alyas Bakal; Brgy. San Guilleromo ni Karen parehong sa Lipa City; Brgy. Pagaspas ni Nikki Bakla at Brgy. Ulango ni Liza kapwa sa Tanauan City; Brgy. Palico ni Arnold at Brgy Toong ni Aris kapwa sa bayan ng Tuy; Brgy. Looc ni Mallen at Brgy. Balaytigue ni Efren parehong sa bayan ng Nasugbo at ilang iba pa.
Sa siyudad ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes ay talamak naman ang operasyon ng STL con jueteng nina Ocampo ng Brgy. Bagbag; Dimapilis at Ramil alyas Badoy ng Brgy. Altura; alyas Kon Burgos ng Brgy. Boot; Cristy ng Brgy. Suplang; Gerry ng Brgy. Balele; Melchor at Llanto ng Brgy. Tinurik; Kap Kabo Burgos ng Boot; Carandang ng Brgy. 3 at 25 iba pa, pati na ang tig 15 saklaan sa ibat ibang barangay ng Tanauan City at siyudad ng Sto. Tomas City na minamantine naman nina Magsino at Camilo.
Sa hurisdiksyon ni Quezon PD Col. Monte, ay nasa tapat lamang ng Manuel S. Enverga University Foundation (MESUF) sa Maharlika Highway sa bayan ni Candelaria Mayor George Suayan ang ibat ibang uri ng pasugal ng isang Madam Francia. Dinudumog ito ng mga drug addict pagkat liban sa sugal ay inilalako doon ng mga tauhan ni Madam ang illegal drug partikular na ay shabu.
Marahil napaglalalangan si Col. Monte ng ilan nitong mga police chief kaya’t nakapagpwesto din ang mga gambling/drug operator na sina Rommel at Mariz na may tig-isang magkahiwalay na pergalan (perya na may sugalan) sa bayan ng Dolorez, Josie sa Tayabas City, Toto sa bayan ng Real at EC sa munisipalidad ng Plaridel, pawang sa lalawigan ni Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan.
Hindi sinasabing tumatanggap ng lingguhang intelhencia mula sa mga naturang gambling con-drug maintainer ang mga nabanggit na PDs pagkat kilala ang integridad ng mga ito sa pagtupad sa kanilang mandato bilang mga pinagkakatiwalaang opisyales ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ngunit dapat din nilang patunayan na wala silang kinalaman sa kolektong activity ng mga police tong kolektor na tinatawag ding “kapustahan”.
Notoryus ang mga pangalan ng over-all “kapustahan” na isang “Richard.” Nagpapakilala din itong driver/bodyguard ni Cavite Provincial Director Col. Elieuterio Ricardo Jr. Hindi lamang “kapustahan” kundi protektor pa ito at kasosyo sa mga saklaan ng isang alyas Hero at Elwyn sa mga munisipalidad ng Amadeo, Noveleta at Maragondon pati na sa mga pasakla sa licensed cockpit doon; Jay sa bayan ng Ternate at Marycon ng Naic na isa ding notoryus shabu pusher.
Nagmamantine din ng STL con-jueteng sina Richard at Col. Bading kasosyo sina Melchor sa Bacoor City, Dasmarinas City, Maragondon, Naic at Cavite City; alyas Kap Abner sa Dasmarinas City at Nitang Kabayo na “Cavite STL con-Jueteng Queen” sa lahat na siyudad at bayan ng probinsya ni Cavite Gov. Junvic Remulla.
Halos lahat na PNP official mula Camp Crame pababa sa regional, provincial director at police chief ay ipinangongolekta nina Richard ng weekly protection money. Si ex-Sgt. Adlawan ay nagpapakilalang “kapustahan” sa CIDG-RC; ex-Sgt Marcial ng CIDG Rizal, isa pang Richard ng CIDG-Quezon at Jeff na kapatid ng isang police major ang kolektor ng CIDG Batangas.
Pagkat pangit na ang ipinipinta ng mga “kapustahan” sa imahe ng CIDG- CALABARZON, kailangang huwag magpatumpik-tumpik ang CALABARZON CIDG provincial officer, ipaaresto ang tong kolektor pati na ang mga kinokotongang iligalista sa naturang rehiyon upang hindi maturingang sila man ay mga “inutil”?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144