Advertisers
NAGBABALA ang Metro Manila Development Authority ( MMDA ) sa lahat ng mga nagmamaneho ng awtorisadong sasakyan na gumagamit ng EDSA Busway na maging maingat sa pagpasok sa eksklusibong carousel lane.
Bagamat pinapayagan ang mga awtorisadong sasakyan sa EDSA Busway alinsunod sa Department of Transportation, dapat mag-ingat sa pagmamaneho sa lahat ng oras at huwag magpatakbo ng mabilis para maiwasan ang aksidente.
Noong Miyerkules, sumalpok ang isang bus sa railing ng MRT 3 sa Santolan-southbound nang umiwas ito sa sasakyan ng pulisya na biglang pumasok sa EDSA Busway. Noong Setyembre, nabunggo ng isang pampasaherong bus ang isang ambulansya nang pumasok ito sa eksklusibong lane.
Pinaalalahan din ng MMDA na ang pinapayagan lamang na gumamit ng EDSA Busway ay ang mga pampasaherong bus na nag-o-operate sa EDSA Busway route; ambulansya, fire trucks, sasakyan ng Philippine National Police; at service vehicles para sa EDSA Busway Project (construction, security, janitorial, maintenance services).
Ang EDSA Busway ay pwede ring gamitin ng Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Supreme Court Chief Justice.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan at paggamit ng mga hindi awtorisadong sasakyan, kabilang ang mga government-marked vehicles at red plate vehicles, sa EDSA Busway. (JOJO SADIWA)