Advertisers
Apat na taon pa hanggang sa pagsapit ng 2028… pero simula nuong Pasko nagumpisa nang pumailanlang ang mga “bayarang magigiting na propagandista” na ang iba ay nai-advance na nga ang TF dahil sa gastusin ng nagdaang kapaskuhan.
Natural lang na maraming palutang o pahapyaw na mga higing-higing na may sadyang motibo na ilihis ang kanilang punto upang di mahalata—isang estilo na nagawa na nuon ng isang ngayon ay yumao na. Kilala ng marami ang tinitukoy ko — nang sa unang salyada ay siya ang nagdeklara na tatakbo bilang pangulo, kaipala’y sa iba pala inihanda ang “slot” sa kandidatura sa Comelec!
Nababanaag na pati ang “realignment of forces” at “saving for the rainy day” ng iba’t ibang partido-pulitikal para sa malaking halalang ito na siyang makapagbabago sana ng political landscape ng bansa, na ayon sa ibang political pundits ay “nothing exceptional nor new to signal its political maturity”—na siya namang tunay dahil sa kaliwa’t kanang lantaraang para-paraan kung paano makakapondo ng multi-million pesos para panustos sa labanan ng may-roon!
Hindi maitatago ang ngitngit ng iba na nag-vvlog pa mula sa iba’t-ibang lugar sa mundo…tulad ng isang babaeng Pinoy na walang puknat ang pagtutuligsa sa asawa ng isang mataas na opisyal ng bansa — na umano’y may inupahan daw ito na siya ay hantingin. Isa lamang ito sa mga palutang o sadyang bayarang panlinlang tungo sa talk-of-the-town na political exercise sa buong mundo, hindi lang sa Pilipinas. Amoy marumi, masansang ika nga!
Mayroon ding lumutang na ang isang mataas na opisyal ng Kamara ay sadyang “stool pigeon” lang at ang isang kaanak ang siya namang tunay na ibabangga sa halalan pagdating ng takdang oras. Marami ang nagsasabi na itong kaanak na ito ang mas may hila sa mga botante dahil sa angkin nitong karanasan nuon bilang youth leader nuong kapanahunan bago nagka- Batas Militar.
Kanya-kanyang estrahiya, players at mode of operation ang pulitika. Isang namumunong propagandista at piling wrecking crew at ang pangunahing political subject lang ang nakababatid kung paano nila isasakatuparan ang napagkasunduang plano, Plan A…Plan B o Plan C — which ever is suited for the occasion!
Abangan natin, may mga kaganapan pang mangyayari sa nalalapit na buwan at araw nitong taon parating na 2024 na tipong bumibilis tungo sa makati at kaabang-abang na political exercise 2028!