Advertisers
TARGET ng pamahalaan na maibaba sa single digit ang antas ng kahirapan sa bansa sa taong 2028.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III na maisasakatuparan ito sa tulong ng National Poverty Reduction Framework na binabalangkas nila kung saan katuwang nila rito ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Local Poverty Reduction Action Plan.
Sinabi ni Santos na ang comprehensive roadmap na ito ay naka-angkla pa rin sa eight-point socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, ang mga benepisyaryo na target nilang makinabang dito ay ang mga pinakamahihirap na sektor sa ating bansa tulad ng mga magsasaka, mangingisda, kabilang ang mga vulnerable IP communities at informal settlers.
Samantala, sinabi ni Santos na nakatuon ang administrasyon sa mga higit na nangangailangan o vulnerable sectors.
Ayon kay Santos, isa sa mga prayoridad ni PBBM ay ang mga mahihirap na sektor, kabilang ang mga magsasaka upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay.
Sinisikap aniya ng pamahalaan na mapababa ang presyo ng mga bilihin at mapaganda ang kita ng mga magsasaka sa bansa.
Sa katunayan, sinabi ni Santos na nagtutulungan ang mga lokal na pamahalaan at Department of Housing o DHSUD upang matugunan ang pangangailangan para sa pabahay na papalo sa 6.5 million housing units. (Gilbert Perdez)