Advertisers
UGALI na natin mga Pinoy tuwing bagong taon, umaasa tayo ng bagong pag-asa.
Eh noong pumasok ang nakalipas na 2023, anong pag-asa ang nangyari sa inyong buhay? Meron ba?
At ngayong bagong brand new ang taon 2024, anong pag-asa naman ang inyong inaasam-asam?
Well, ang pag-asang magtagumpay, magkaroon ng magandang buhay ay hindi nakasalalay sa bagong taon, ito po ay nasa ating mga kamay. Kahit araw-araw pa magpalit ng taon ay hindi gaganda ang buhay natin kung hindi tayo kikilos, magsikap at maging madiskarte.
Opo! Para lang itong salawikaing: ‘Nasa Diyos ang awa nasa atin ang gawa’.
Ibig sabihin nito ang Diyos ay maawain pero kinakailangan parin magsumikap ang mga tao. Kahit na makapangyarihan ang ating Diyos, hindi ito nangangahulugan na maari nang magsawalang-bahala na lamang tayo.
Upang makamit ang tagumpay, kailangan natin ang panalig sa ating Diyos at kasipagan sa buhay. Mismo!
Kaya tara na’t kumayod, haluan ng diskarte, iwaksi ang masamang bisyo at tiyak luluwag ang ating buhay. God bless 2024!!!
Bago matapos ang taon 2023, naging mainit ang pasaringan ng mga attack dog ng mga nag-aambisyon para maging sunod na pangulo sa 2028.
Ang dating spokesman ni ex-President Rody Duterte na si Atty. Harry Roque ang bumibira sa Marcoses, habang ang tropa ni House Speaker Martin Romualdez naman ang umaatake sa mga Duterte. Nangangahulugan na ang Duterte at Marcos ang mahigpit na magkalaban sa 2028. How about Senador Risa Hontiveros and Senador Raffy Tulfo?
Sa aking mga pag-iikot at pagtatanong sa mga ordinaryong mamamayan, hindi na ang Marcos at Duterte ang gusto nila maging sunod na lider ng Pilipinas kundi si Raffy Tulfo. Boom!!!
***
Ilang buwan nalang mula ngayon, filing na naman ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa midterm election. Kaya asahan na ang pag-galaw ng mga partido para sa magiging tiket nila.
Ang ruling party ngayon ay ang Lakas-CMD na pinamumunuan ng pinsan ni Pangulong Marcos, Jr., si House Speaker Martin Romualdez, na siyang inaatake ni ex-President Duterte dahil sa pagkalagas ng kanilang miyembro sa PDP Laban.
Ang dating ruling party (PDP Laban) ni Duterte ay nasa lima nalang yata ang miyembrong mambabatas, naglipatan na ang marami kay Romualdez.
Pati local executives ay umalis narin kay Duterte, nasa kampo na ni Romualdez. Araguy!!!
Kasi naman…pag ‘di sila sumanib sa partido ng administrasyon, wala silang proyekto. Mismo!
Kaya sigurado magiging mainit ang politika ngayong 2024 dahil sa 2025 midterm election, na magiging pundasyon ng presidential derby ‘28! Huwag bibitaw!!!