“Poster child n’yo lang po ako” – Mayor Honey
Advertisers
“POSTER child n’yo lang po ako.”
ITO ang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasabay ng hiling niya sa mga kawani ng pamahalaang lungsod na ituloy, kung hindi man malagpasan ang uri ng serbisyo na kanilang ipinagkaloob sa mga residente ng Maynila sa taong 2023.
Sa kanyang pagsasalita sa kauna-unahang flagraising ceremony, pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng city officials at empleyado sa kanilang suporta, kooperasyon at pagmamahal na ibinigay sa ngalan ng serbisyo publiko lalo na para sa Manileño.
“Ang inyong ibinibigay na serbisyo ay di po mapapantayan… maraming salamat. Sa taong ito, inaasahan po natin na pantay o higit pa ang maibibigay ninyong paglilingkod sa ating kapwa Manilenyo,” ayon sa Lacuna.
Sa kanyang kahilingan para sa serbisyo publiko na may dedikasyon, binigyang diin ng lady mayor na ang mga nagpupunta sa City Hall para humingi ng tulong ay kadalasang walang matakbuhan kundi ang kanilang pamilya lamang.
“Alam nyo naman na tayo lang ang inaasahan nila bukod sa pamilya kaya sana, ngayong 2024 ay magsikap tayo na lalo pang pag-ibayuhin ang paglilingkod sa bawat taong lalapit sa atin,” sabi ni Lacuna.
“Ibigay natin ang lahat… tulungan nyo po ako, kami dahil di namin kaya ito nang mag-isa. Poster child lang po ako…simbolo lang ng bawat isa sa inyo. Kung maganda ang inyong ginagawa, maganda din ang tingin sa atin ng kapwa natin Batang Manilenyo,” dagdag pa nito.
Nanawagan din ang alkalde ng pag-ibig at pang-unawa hindi lang sa kani-kanilang tahanan kundi maging sa mga tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Ang ganitong uri ng working environment, ayon sa alkalde, ay hindi lamang magtataguyod ng tuloy-tuloy na pag- unlad kundi gagawin din nito ang Maynila bilang Isang lungsod na laging tinitingala, bilang kabisera ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa mga Manileño, nanawagan si Lacuna sa lahat na iwan na ang 2023 nang may tauspusong pagtanaw ng utang na loob sa lahat ng mga biyayang kanilang natanggap.
“Lingunin din natin ang mga pagsubok na hinarap at napagtagumpayan natin. At maging gabay natin ang mga aral na napulot natin sa bawat karanasan mula sa nagdaang taon. Sama-sama tayong magtulungan at pag-ibayuhin ang ating pagsisikap upang lalo pang paunlarin ang ating mga sarili, ang ating mga buhay, at pasiglahin ang ating tahanan, pamayanan at ang buong kalungsuran,” pahayag nito. (ANDI GARCIA)